
Ni NOEL ABUEL
Pinakikilos ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na palakasin ang kanilang mga hakbang laban sa talamak na text scams na nambibiktima ng mga mobile phone subscribers sa buong bansa.
“Ang walang humpay na text scams ay dagdag na pahirap at pasakit sa taumbayang baon pa sa utang. Kailangan na itong mahinto,” ani Poe.
Mismong ang senador ay nakatanggap ng texts mula sa prepaid mobile phone numbers na nangangako ng trabaho, dagdag na pagkakakitaan, insentibo at mga papremyo.
“Habang umaasa ang mas marami sa digital na teknolohiya para makaahon sa hirap, dapat paigtingin ang pagsawata sa lumalalang mga banta na lalong magpapalubog sa kalagayan ng ating mga kababayan,” paliwanag ni Poe.
Nabatid na ilang reklamo na ang ipinarating sa senador hinggil sa mismong ang mga telcos ang nagpapadala ng mga text scams sa mga subscribers nito gayundin ang pagpapadala ng mobile apps subscriptions tulad ng Netflix kahit hindi nire-request ng subscribers.
Aniya, sa kabila ng direktiba ng NTC sa mga telco na Globe, Smart at Dito na magbigay ng babala sa kanilang mga subscribers laban sa mga pekeng trabaho mula Mayo 28 hanggang Hunyo 4, patuloy pa rin ang pagkalat ng text messages na may bago pang mga gimik para mabitag at maloko ang mga gumagamit ng cellphones.
“Hindi natin dapat hayaang patuloy na pagpiyestahan ng mga manloloko at sindikato sa likod ng mga text messages na ito ang mga kababayan nating lugmok pa rin sa hagupit ng pandemya at tumataas pang presyo ng langis at bilihin,” ani Poe.
Sa pagtatapos ng Marso 2022, mayroon nang 87.4 milyong subscribers ang Globe, habang ang Smart ay may 70.3 milyon.
Sa pagtatapos ng 2021, nakakuha naman ang Dito ng limang milyong subscribers.
Hinikayat din ni Poe ang mga telcos na palakasin ang kanilang patuloy na operasyon para i-block ang mga SIM card na malinaw na ginagamit lamang para sa kriminal na hangarin.
Kasabay nito, hiniling din ng senador sa papasok na ika-19 na Kongreso na talakayin ang SIM card registration bill para ma-institutionalize ang pagprotekta sa milyun-milyong mobile phone users sa bansa.
Matatandaang sa 18th Congress naipasa ang nasabing panukalang inisponsoran ni Poe, ngunit kinaharap nito ang balakid matapos ma-veto ng papatapos na administrasyon sa gitna ng kaunting natitirang araw ng sesyon bago ang sine die adjournment.
