2 Nigerians arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Nigerian nationals na pawang undesirable aliens sa lalawigan ng Cavite.

Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang mga nadakip na Nigerian nationals na sina James Ifeanyi Ezenwali, 52-anyos, at Nneji Victor Otamba, 54-anyos sa Barangay Navarro, General Trias, Cavite.

Ayon kay Manahan, isinagawa ang pag-aresto sa pagkikipagtulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng mga opisyales ng nasabing barangay.

Armado ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente, isinagawa ang pagdakip dahil sa ilang reklamo ng mga kapitbahay ng mga ito dahil sa panggugulo.

Nabatid na umuupa ng bahay ang nasabing mga dayuhan  sa loob ng dalawang taon kung saan madala na naging bayolente at nang-aabuso sa mga kapitabahay.

Sa record ng BI, natuklasan na overstaying na ang dalawang dayuhan at nang arestuhin ay walang maipakitang pasaporte kung kaya’t itinututuring na undocumented aliens.

“Foreign nationals who are a threat to society are considered undesirable aliens. Our country treats foreigners with hospitality, but once they become a burden to the community because of violence, then they should be deported,” sabi ni Morente.

Kasalukuyang nakadetine sa BI facility sa Bicutan, Taguig ang dalawang dayuhan habang inihahanda ang pagpapatapon pabalik ng kanilang bansa.

Leave a comment