Kapakanan at karapatan ng HCWs prayoridad sa 19th Congress ni Senador Go

NI NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go na ipagpapatuloy nito ang pagsusulong ng proteksyon at pagpapabuti sa sitwasyon ng mga healthcare workers (HCWs) upang mapigilan ang pag-alis nito sa bansa para magtrabaho sa ibang bansa.

 Ito ang sinabi ni Go kasabay ng pagsasabing pamumunuan muli nito sa susunod na Kongreso ang Senate Committee on Health and Demography.

“Naka-focus masyado ang ibang kasalukuyang programa sa pangingibang bansa ng mga nurses natin. Gusto kong maisama ang community integration and immersion sa kanilang mga curriculum upang mahikayat naman natin silang magtrabaho sa mga pamayanan dito sa Pilipinas,” sabi ni Go.

“Hindi pa po rito nagtatapos ang aking apela sa gobyerno na bigyan ng nararapat na suporta ang ating mga healthcare at non-healthcare workers. Sila ang dahilan kung bakit napakaganda ng ating COVID-19 response. Tayong mga public servants, tuloy lang dapat ang malasakit sa ating HCWs. Hindi natin makakaya ito kung wala sila. Walang tigil dapat ang serbisyo lalo na sa panahon ng krisis na ito,” paliwanag pa nito.

Tinukoy nito ang pangangailangang itaas ang estado ng bansa bilang producer ng mga pinuno, experts, at awtoridad sa larangan ng medisina partikular ang nursing kasabay ng paghahain muli ni  Go  panukala na amiyendahan ang Philippine Nursing Act of 2002 na inihain nito noong 2019.

Kabilang sa mahahalagang naipasa sa Senado noong 18th Congress para sa HCWs ay ang Republic Act No. 11712 na naglalayong pagkalooban ng benepisyo at allowances ang lahat ng public at private healthcare workers sa panahon ng state of public health emergency.

“Republic Act No. 11712, which I was among those who authored and co-sponsored, covers all public and private medical, allied medical and other personnel who are assigned in hospitals, laboratories and medical or temporary treatment and monitoring facilities,” sabi ni Go.

“Sa ilalim ng batas na ito, mas maraming healthcare workers na ang makakatanggap ng allowance. Hindi na limitado sa mga directly exposed sa COVID-19 patients dahil sabi ko nga, lahat naman ng frontliners na naka-duty sa mga ospital ay maituturing na exposed sa banta ng COVID-19. Kaya dapat masiguro na maimplementa ito ng maayos. Huwag na natin sayangin ang oras. Ibigay ang dapat ibigay na naaayon sa batas,” dagdag pa nito.

Leave a comment