
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang kongresista kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bigyan-prayoridad ang reproductive health sa gitna ng ulat ng United Nations Population Fund (UNFPA) na 51 porsiyento ng mga nagbubuntis sa bansa ay hindi sinasadya mula taong 2015 hanggang 2019.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel C. Lagman na ang pinakamabisang pagtulong na makamit ang pagpapanatili ng human development ay ang implementasyon ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act o ang RA No. 10354.
“The RH law is a rights-based, health-oriented and development-driven legislation which affords women and couples to freely exercise their inherent right to determine the number and spacing of their children,” sabi ni Lagman.
Binigyan-diin ng yumaong si Rafael Salas, isang pangunahing Filipino na nagsilbi bilang unang executive director ng UNFPA sa loob ng 20 taon, anumang programa sa human development ay kailangan isaalang-alang ang usapin ng populasyon.
Sa pag-aaral aniya ng New York-based Guttmacher Institute sa tulong ng Likhaan Center for Women’s Health, na isang Philippine NGO, ipinakikita na sa bawat piso na ginagastos sa family planning, nasa 3 hanggang 100 pesos ang natitipid sa maternal care costs na hindi sinasadyang pagbubuntis.
Napagpasyahan din ng pinagsamang pag-aaral na ang halaga ng pagtugon sa pangangailangan sa modern contraception ay kinokonsiderang nababawasan ang insidente ng hindi sinasadya o wala sa planong pagbubuntis, at nakakatipid ang pamahalaan at sa ekonomiya ng napakalaking halaga na inilalaan at ginagastos para sa pregnancy-related at newborn healthcare services.
Batid din aniya ng Department of Health (DOH) ang matitipid sa reproductive health at family planning kung saan base sa National Objectives for Health noong 2005, pinagtibay nito na ang pagbabawas sa aktuwal na bilang ng mga panganganak ay nagpapababa para sa pangangalaga ng obstetrical care, immunization at iba pang maternal and child health interventions.
Sinabi pa ni Lagman na ang pondo ng RH sa unang taon ng implementasyon nito noong 2013 ay nasa P2.5 bilyon na nabawasan sa P842 milyon noong 2022 habang ang pondo naman ng mega infrastructure projects, na may kakaunting benepisyo at mas mahabang panahon para sa return of investment ay tumaas ng hanggang multi-billion pesos.
Upang maging matagumpay aniya ang RH law, mahalaga na paglaanan ito ng sapat na pondo para sa mabilis at maayos na implementasyon.
