2,405 jobseekers nabigyan ng trabaho – DOLE

NI NERIO AGUAS

Aabot sa mahigit 28,600 jobseekers ang lumahok sa binuksang 151,000 local at overseas employment sa nationwide Trabaho Negosyo Kabuhayan Job and Business Fair kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong araw, Hunyo 12.

Sa nasabing bilang, base sa ulat ng Bureau of Local Employment, 2,405 aplikante ang agad na natanggap sa trabaho habang nasa 9,537 iba pa ang ikinokonsiderang natanggap na rin sa trabaho.

Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na  1,163 employers  ang nakilahok sa job fair na malaking tulong para maraming matulungan na makahanap ng trabaho.

Isa sa matagumpay na natanggap sa trabaho si Nina Mae Morales, 19-anyos, isang senior high school graduate, bilang marketing staff ng IndoPhil Group sa  main job fair event sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City.

“Nalaman ko ang tungkol sa job fair sa barangay namin. Gusto ko na talagang magtrabaho kaya ako nag-apply dito. Mabilis lang ang proseso ng pag-aapply ko at ako nga ang kauna-unahang hired-on-the-spot dito,” masayang pahayag ni Morales.

Samantala, 315 aplikante ang dinala sa Technical Education and Skills Development Authority (TESD) para sumailalim sa skills training habang 190 iba pa ang dinala sa Bureau of Workers with Special Concerns for livelihood training/assistance, at 267 ang dinala sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa business inquiries and concerns.

Kabilang sa 10 hire-on-the-spot na trabaho ang production operator; office staff; cashier; sales clerk; warehouse straff; call center agent; costumer service; bagger; service crew; data encoder at welder.

Kasama rin sa job fair ang pagbibigay ng emergency employment at livelihood assistance sa mga mahihirap na indibiduwal sa informal sector.

Pinangunahan ni Bello ang pamamahagi ng suweldo sa 1,286 Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program beneficiaries sa Bulacan na tumanggap ng P4,200 para sa 10-araw na TUPAD engagement.

Namahagi rin ang DOLE Integrated Livelihood Program ng libreng bisikleta sa 500 Freebis (Free Bisikleta) beneficiaries at Nego-Karts (Negosyo sa Kariton) sa 563 informal sector workers.

Leave a comment