Solusyunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis

NI NOEL ABUEL
Umapela sa taumbayan si Senator Christopher “Bong” Go na bigyan ng pagkakataon ang susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na hanapan ng solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Aniya patuloy na pinag-aaralan ng kasalukuyan at susunod na administrasyon sa gagawing solusyon sa problema sa langis.
“Binabalanse ng ating gobyerno ang interes ng mga kababayan nating patuloy na kumakayod at naglilingkod sa sektor ng pampublikong transportasyon, kasabay ng sapat na pagprotekta sa kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan sa kabila ng mga pagtaas sa presyo ng langis,” sabi ni Go.
“Umaapela po ako, sana po ay pag-aralan muna ng mabuti at bigyan po muna rin natin ng tsansa ang bagong administrasyon na maimplementa ang mga plano nila ngayong nasa transition tayo,” dagdag pa nito.
Sinabi nito na una nang nakapagbigay ng ayuda ang pamahalaan sa pamamagitan ng fuel subsidy para maibsan ang problema ng mga pampasaherong sasakyan sa patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel.
“Sa ngayon naman po, nakapagbigay na po ng ayuda – fuel subsidy sa 180,000 drivers through Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Tulong po ito para sa kanila dahil sa pagtaas ng presyo,” ayon pa dito.
Kasabay nito umapela si Go sa mga ahensya ng pamahalaan na madaliin ang pamamahagi ng fuel subsidy at mas maraming kuwalipikadong benepisyaryo ang mabigyan nito.
“This will help in keeping the transport sector afloat amid the crisis without overburdening the commuters,” sabi pa nito.
Ipinaliwanag pa ni Go na dahil sa patuloy na giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine ang naging dahilan para tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin at ginagawa umano ng administrasyong Duterte ang lahat para matulungan ang mga transport workers at maging ang mga ordinaryong mamamayan.
“Tumaas po ang presyo dahil po ‘yan sa ongoing Russia and Ukraine conflict. Pero, ginagawa naman po ng Duterte Administration ang lahat para maibsan o mabawasan po ang paghihirap ng ating mga drivers. At hintayin na lang po natin kung ano rin po ang plano ng next administration para sa ating mga drivers, para mabawasan po ‘yung hirap na dulot ng pagtaas ng presyo,” paliwanag pa nito.
Nanawagan din ang senador sa LTFRB na tiyakin na binibigyan nito ng aksyon ang apela ng mga transport workers at commuters.
“Ang apela ko sa LTFRB, bagama’t kailangang maagapan ang masamang epekto ng mga pagtaas na ito sa kabuhayan ng mga PUJ drivers, kailangan ding siguraduhin na patas at pansamantala lamang ito para naman hindi lalong madagdagan ang pinapasang hirap ng ating mga kababayan lalo na ng mga ordinary commuters,” ayon sa senador.
