
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senator-elect Alan Peter Cayetano ang kahalagahan ng pagkakaroon ng programang grassroots sports upang mabigyan ng pormal na pagsasanay sa lalong madaling panahon ang mga kabataang Pinoy na nag-aasam maging atleta.
“For me ang pinakamahalaga, ibalik yung grassroots sports program. Dapat lahat ng eskwelahan natin, from the facilities hanggang doon sa mga nagtuturo at saka yung mga gamit, kumpleto,” sinabi ni Cayetano sa kanyang panayam sa media sa naganap na Opening Ceremony ng National Collegiate Athletic Association’s (NCAA) Season 97 Women’s Volleyball Tournament noong Sabado.
Ang grassroots sports ay kadalasang pinapatakbo ng mga maliliit na organisasyon at mga boluntaryo mula sa mga organisasyong sports. Ang mga ito ay ginagawa sa mga lokal na komunidad at nagsisilbing libangan lamang sa halip na paghangad na makakuha ng mataas na antas ng paglalaro.
Isinusulong ni Cayetano ang pagkakaroon ng mga nasabing programa sa edukasyon ng mga estudyante, at iginiit ang pangangailangan na maisama ang sports sa Philippine curriculum.
“Kahit sabihin nating mag-focus tayo sa STEM, sa Science, sa Technology, sa Mathematics, kung wala tayong sports, wala tayong arts, wala tayong culture sa ating curriculum, kung walang facilities, ‘di po magiging buo ang edukasyon ng mga kabataan,” paliwanag ni Cayetano.
Idinagdag pa ng dating House Speaker na kahit maraming malalaking inisyatibong ginagawa ang gobyerno sa sports tulad ng paglulunsad ng National Academy for Sports (NAS), hindi ito sapat para sa buong bansa.
“Unfortunately habang dumadami ang mga estudyante at lumiit ang lupa ng mga elementary at high school natin, ang mga tinanggal na programa ay sa mga arts, sa culture, at sa sports,” ani Cayetano.
Sa kanyang termino bilang House Speaker, ipinasa ni Cayetano ang House Bill 6312 na naglalayong maglunsad ng National Academy of Sports (NAS) upang mapalago pa ang kakayahan ng mga atleta at talento ng mga estudyanteng Pilipino.
Sinabi nito na magiging sentro ito para sa pagsasanay ng mga atletang Pilipino at magiging simula ng pagkakaroon ng progresibong sports sa bansa. Ito ay habang ang Pilipinas ay naghahangad magkaroon ng programang grassroots sports na kikilalanin sa buong mundo.
“Bakit napakaimportante ng sports? When you talk about discipline, commitment, passion, health, teamwork, lahat ‘yan medyo mahirap ituro sa classroom pero madali ituro sa sports,” ayon pa sa nagbabalik sa Senado na si Cayetano.
