Pag-amiyenda sa Konstitusyon simulan na ngayon – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

NI NOEL ABUEL

Napapanahon nang pag-aralan muli ang nilalaman ng Konstitusyon bunsod ng halos 35-taon na ito mula nang balangkasin.

 Ito ang sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go, na nagsabing nakahanda itong pangunahan ang pag-amiyenda sa 1987 Constitution ngunit ito ay para sa interes ng taumbayan.

“Alam n’yo, 35 years na po na hindi nagagalaw ang Constitution natin. Marahil po, alam n’yo mayroong mga nasa loob po ng Constitution na dapat pong pag-aralan po muli… halos iba diyan kailangan na talagang baguhin,” sabi ni Go sa ambush interview matapos dumalo sa groundbreaking ceremony ng Super Health Center sa Bagumbayan, Sultan Kudarat.

Paliwanag pa nito, ngayon na umano ang tamang panahon na pag-aralan ang Charter Change habang nasa gitna ng government transition.

“Kung kailangan nating galawin at magkakaroon tayo ng charter change, maganda kung ngayon po. Huwag ‘yung patapos na ‘yung termino. Ngayon na, para at least presko pa ‘yung termino ng mga elected officials. Simulan na po na tingnan nang mabuti,” paliwanag nito.

Una nito, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang humiling sa susunod na administrasyon na simulan na ang proseso sa posibleng pag-amiyenda sa Konstitusyon kung saan partikular na panukala nito ang party-list system.

Sinabi naman ni Go na anumang suhestiyon na amiyendahan ang Konstitusyon ay dapat na masigurong ang mga Filipino at hindi mga pulitiko ang makikinabang.

 “So, sang-ayon po ako kung kakailanganin po. Pero dapat ang makikinabang po kung gagalawin o magtsa-charter change tayo o sisilipin ang Constitution, dapat po makinabang ang Pilipino, hindi po ‘yung pulitiko,” sabi pa ng senador.

“Hindi po ako papayag na ang makikinabang lang po ang pulitiko. Ang makikinabang po dapat ‘yung Pilipino at interes po ng Pilipino ang dapat unahin natin parati,” dagdag pa ni Go.

Sa huli sinabi ng senador sa susunod na administrasyon na pag-aralan ang panukalang pag-amiyenda sa Konstitusyon at isama ang sinimulan ng Duterte administration.

“In 2016, President Duterte ordered the creation of a consultative committee to review the 1987 Constitution. This set in motion efforts of the administration to pursue a federal system of government. Pag-aralan po natin nang mabuti. Kaya sabi ko nga, in fact noong kakaupo ni Pangulong Duterte, nagtawag kaagad siya ng pagpupulong ng (consultative) committee headed by Chief Justice Puno, na pag-aralan po ang ating Konstitusyon,” sabi ni Go.

Leave a comment