Wanted na German national arestado ng BI

Ni NERIO AGUAS

Bumagsak na sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang German national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong fraud.

Sa report na tinanggap ni BI Commissioner Jaime Morente kay fugitive search unit (FSU) acting chief Rendel Ryan Sy, nakilala ang nadakip na dayuhan na si Robert Schrade, 71-anyos, sa bayan ng Calauan, Laguna.

Base sa datos ng BI, si Schrade ay matagal nang illegal na nagtatago sa bansa kung saan itinuring itong undocumented alien dahil sa ang hawak nitong pasaporte ay nag-expired na noong Marso 27 ng kasalukuyang taon at Mayo 12, 2017 pa nang dumating ito sa bansa.

“He is also an undocumented alien as he does not possess a valid passport, his passport expired on March 27 this year. He has been placed in our immigration blacklist, thus he is perpetually banned from re-entering the country,” sabi ni Morente.

Sinabi naman ni Sy, si Schrade ay mayroong outstanding arrest warrant na inilabas ng local court sa Springe, Germany na may petsang Oktubre 9, 2019 dahil sa kasong fraud.

Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City ang nasabing dayuhan habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagpapatapon dito pabalik ng Germany.

Leave a comment