
Ni NOEL ABUEL
“It’s about time.”
Ito ang sinabi ni ACT-CIS party-list Rep. Rowena Niña Taduran hinggil sa pagkilala bilang Order of National Artist sa superstar na aktres na si Nora Aunor makaraan ang ilang taong binabalewala ang nominasyon nito.
Isang kapwa Bikolana, sinabi ni Taduran na ang pagkilalang ito kay Aunor ay matagal na dapat ibinigay lalo na kung titingnan ang kanyang mga mahusay na pagganap at paggawa ng pelikula at ang hindi na mabilang na pagkilala sa kanyang kahusayan sa pag-arte dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
“Nagpapasalamat ako kay Pangulong Duterte na ang kapwa ko Iriganon ay bibigyan na ng pagkilala bilang National Artist. Maraming beses na tayong binigyan ng karangalan ni Miss Aunor. Panahon na upang ibalik natin ito sa kanya. Ang kanyang kahusayan at dedikasyon sa pag-arte at pagganap sa mga makubuluhang pelikula ay karapat-dapat na tularan,” paliwanag ni Taduran.
Si Aunor ang kauna-unahang babaeng aktor at direktor na bibigyan ng pagkilala bilang National Artist for Film and Broadcast kung saan maliban sa pagiging aktres at mang-aawit, ay producer, director at talent manager din ito sa industriya ng pelikula at telebisyon simula pa noong 1967.
“I am thankful that President Duterte recognized Miss Aunor’s artistic accomplishments. She has put us in the map with her internationally-recognized films like Thy Womb and Himala. An exquisite treasure, she deserves this highest honor,” ani Taduran.
Bukod sa pagkilala bilang National Artist, makakatanggap din si Aunor ng gintong medalya mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas, cash award, insurance, isang espesyal na lugar kapag mayroong mahalagang pagtitipon ang pamahalaan, at kapag siya ay nasawi, bibigyan ng isang state funeral.
