

NI NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan kabilang ang isang Pakistan national na hinihinalang miyembro ng teroristang Abu Sayyaf Group (ASG).
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga nadakip na dayuhan na sina Rafshad Cherikkal Phutiyapurayil, 33-anyos, isang Indian national at si Zain Ul Abideen, 23-anyos at isang Pakistani.
Ayon kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., ang pag-aresto sa nasabing mga dayuhan ay bunsod ng mga reklamo sa illegal na aktibidad ng mga ito dahil sa pagtatrabaho sa bansa nang walang kaukulang permit at working visa.
Base sa BI, Hunyo 8 nang magsagawa ng magkahiwalay na operasyon ang mga tauhan ng BI Intelligence Division sa Zamboanga City at Basilan kung saan base sa intelligence report, si Abideen ay sangkot sa illegal smuggling at pagbebenta ng plastic wares at sangkot sa money lending mula sa Malaysia patungo sa Isabela City, Basilan.
Habang ang Pakistani national ay pinaghihinalaang miyembro ng teroristang ASG matapos makumpirmang madalas itong nagtutungo sa kampo ng nasabing terrorist group.
“They will undergo deportation proceedings for overstaying, being undocumented and violating the conditions of their stay in the country,” sabi ni Morente.
Sa record ng BI, si Phutiyapuravil ay walang maipakitang pasaporte habang si Abideen ay umaming nag-expired na ang pasaporte nito noong 2020 at mula noong ay illegal nang nanatili sa bansa.
Kasalukuyang nakadetine sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa mga ito.
