
Ni NOEL ABUEL
Kailangan na tumulong ang mga local government units (LGUs) sa paghahatid at pag-angat ng kalidad ng edukasyon sa buong bansa.
Ito ang sinabi ni Senador Win Gatchalian sa pagsasabing mahahalagang papel ang ginagampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya.
Ayon sa senador, mas agarang natutugunan ng mga lokal na pamahalaan ang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral sa kanilang mga nasasakupan dahil mas malapit sila sa mga ito.
Sinabi pa ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture sa 19th Congress, umaasa itong mapapakilos ng susunod na kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Vice President-elect Sara Duterte-Carpio ang mga lokal na pamahalaan upang maging mas aktibo ang mga ito sa usapin ng edukasyon.
Dahil natanggap ng Vice President-elect ang boto ng mahigit animnapu’t isang porsyento ng mga boto ng taumbayan, meron aniya itong political capital upang maipatupad ang mga kinakailangang reporma upang tugunan ang krisis sa sektor ng edukasyon.
“Nakita natin nitong panahon ng pandemya kung gaano kahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan upang matiyak ang pagpapatuloy ng edukasyon, lalo na’t mas nauunawaan nila ang pangangailangan ng mga mag-aaral at mga guro sa kanilang mga nasasakupan. Sa pagpasok ng bagong administrasyon, kailangang palawigin din natin ang papel ng lokal na pamahalaan at gawin silang katuwang sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon,” paliwanag ni Gatchalian.
Sa kakatapos na 18th Congress, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 1579 o ang 21st Century School Boards Act kung saan binibigyang mandato nito ang mga school boards na magpatupad ng kinakailangang reporma upang iangat ang kalidad ng edukasyon.
Ang tagumpay ng mga programang ito ay masusukat sa mga batayang tulad ng participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng dropouts at out-of-school youth, achievement scores sa mga national tests, assessment tools, at iba pang standardized test scores. Gagawin ding batayan ang pagkakaroon ng mga child development centers at suporta sa special education at Alternative Learning System o ALS.
Ipinapanukala rin ni Gatchalian ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund o SEF upang magamit sa sahod ng mga guro sa pampublikong paaralan sa elementarya at high school, sahod ng mga guro at capital outlay sa preschool, pagpapatakbo ng mga programa sa ALS, at iba pa.
