
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ng isang kongresista na bigyan ng conditional amnesty ang tinatayang aabot isang milyong kolorum na public utility vehicle (PUV) drivers and operators at maging benepisyaryo rin ng Pantawid Pasada fuel subsidy at iba pang programang ayuda ng gobyerno.
Ito ang sinabi ni Quezon 3rd district Rep.-elect Reynante Arrogancia sa gitna ng walang puknat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sanhi ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Batay sa listahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nasa 180,000 na public utility jeepneys (PUJs) at 19,000 na UV express ang kasali sa listahan ng benepisyaryo ng Pantawid Pasada fuel subsidy.
Itsapuwera sa programa ang tinatayang isang milyong kolorum PUJ, UV express, at bus.
Hinihimok ni Arrogancia ang LTFRB na mas palawakin pa ang sakop ng mga programang Pantawid Pasada, service contracting Libreng Sakay, PUV Modernization, at Boundary-Hulog upang mabigyan ng iba’t ibang ayuda lahat ng driver at operator legal man o kolorum.
Paliwanag ni Arrogancia, dapat pamarisan ng Department of Transportation (DOTr)ang halimbawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan isinama nito sa binigyan ng ayudang COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) pati na ang mga empleyado ng mga kumpanyang may paglabag sa labor law.
Marapat umanong maging unang hakbang ng gobyerno ang pagpapatawad o conditional amnesty sa mga kolorum drivers at operators basta’t sasailalim sila sa proseso ng pagsasalegal.
“Marapat tulungan silang maka-comply sa mga requirements ng batas upang mapadali ang pagsasa-legal ng kanilang mga unit,” ani Arrogancia.
Nagbigay ng ilang mga paraan ang mambabatas kung paano makakakuha ng legal na unit ang mga drivers na pasado sa standard ng DOTr.
“Una, dapat i-welcome ang lahat ng kolorum na gustong maging legal, kabilang na iyong mga may sole proprietorship, joint venture, at partnership lamang at wag nang gawing requirement ang pagiging kasapi ng transport cooperative o corporation. Ikalawa, upang makabili ng modernized na units ang mga kolorum, dapat silang bigyan ng mas maraming financial option bukod sa bank loans na ino-offer ng Landbank at DBP,” sabi nito.
Paliwanag pa nito, hindi sanay mangutang sa bangko ang maraming PUJ operators dahil kasama ang mga ito sa ‘unbanked’ o walang account sa mga bangko, kaya nag-aatubiling umutang sa bangko lalo na at daan-dang libong pisong halaga ang kanila uutangin.
Pinalutang din ni Arrogancia ang ideya ng trade-in o pagtanggap sa mga lumang kolorum units bilang partial payment sa modernized unit.
“Perhaps a 3 for 1 swap or 5 for 1 can be an option. Kumbaga, tatlo o limang unit ng lumang jeepney kapalit ang isang modernized PUV.”
