
NI NERIO AGUAS
Ipinaalala ng Department of Labor and Employement (DOLE) na ngayong buwan ng Hunyo ipapatupad ang bagong minimum wage sa lahat ng rehiyon kasama na ang mga domestic workers.
Ayon sa DOLE, karamihan ng mga manggagawa sa nasabing mga rehiyon ay makakatanggap ng dagdag na sahod base sa inilabas na wage orders ng 16 Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Pinakahuling nabigyan ng bagong wage orders ang mga minimum wage workers sa pribadong kumpanya base sa utos ng RTWPBs sa Eastern Visayas at sa Zamboanga Peninsula Region.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na sa Eastern Visayas, magiging epektibo ang P50 pay hike sa Hunyo 27 habang ang P35 wage increase sa Zamboanga Peninsula ay epektibo sa Hunyo 25 kung saan ang magiging bagong minimum wage rates na P345 ay magiging P375 sa Region 8 at P338-P351 sa Region 9.
Samantala, nauna nang nagpatupad ng bagong minimum wage sa NCR na mula P533 ay naging P570 na epektibo noong Hunyo 4 na sinundan ng Western Visayas noong Hunyo 5 na may bagong minimum wage na P540 mula sa dating P410.
At sa Ilocos at Caraga Regions ang bagong minimum wage ay P400 mula sa dating P372 at P350, ayon sa pagkasunud-sunod noong Hunyo 6.
Anng bagong minimum wage sa Cagayan Valley ay mula P400 ay naging P420 na at mula P347 ay naging P368 na SOCCSKSARGEN; P329-P355 sa Mimaropa at P400 sa CAR at P382-P435 sa Central Visayas.
Habang sa Bicol Region at Northern Mindanao ang bagong minimum wage na P365 at P378-P405 na magiging epektibo sa Hunyo 18; at sa Davao Region, na ang minimum wage na P438 ay magiging P443 simula Hunyo 19; Central Luzon, mula sa dating P344 ay magiging P460 ang bagong minimum wage simula sa Hunyo 20; at ang Calabarzon, na mula sa dating P350 ay magiging P470 na ang bagong minimum wage na magiging epektibo sa Hunyo 30.
Gayundin, ang mga domestic workers o kasambahay sa 13 rehiyon ay magbebenepisyo sa wage hike ngayong buwan na magiging P4,500 sa Western Visayas; P5,000 sa Ilocos Region; P5,000 sa Cagayan Valley; at sa MIMAROPA ay P4.500.
Samantala, hinihintay naman ang ilalabas na desisyon ng wage boards sa National Capital Region, Calabarzon, at SOCCSKSARGEN para sa bagong minimum wage sa mga domestic workers dahil kasalukuyang nagsasagawa pa ng public hearings hinggil dito.
Habang sa CAR ay magiging P4,500 at Central Visayas, ang minimum wage na P4,500 ay magiging P5,500 at P4,000 naman sa Bicol Region at mula naman sa P3,500 may magiging P4,500 na sa Northern Mindanao.
Sa Central Luzon, P5,000 at Davao Region, ang monthly minimum wage ng mga domestic workers ay P4,500 simula sa Hunyo 20; sa Zamboanga Peninsula, sa Hunyo 23 ay magiging P4,000; Eastern Visayas, P5,000 simula sa Hunyo 27; at Caraga, ay P4,000 simula Hunyo 30.
