Senador Bong Go pinuri ni PRRD sa National Academy of Sports

Si Senador Christopher “Bong” Go habang pinapaliwanag kay Pangulong Rodrigo Duterte ang patuloy na pagsasaayos ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City sa Capaz, Tarlac para sa mga nais maging atletang Pinoy.

Ni NOEL ABUEL

Ininspeksyon nina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go ang  National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac para sa mga nagnanais na maging miyembro ng national team.

Sa kanyang pahayag, pinuri ni Duterte si Go sa programa nitong magkaroon ng sports complex sa bansa upang magkaroon ng lugar na pagsasanayan ang mga nasi maging atleta ng bansa.

 “Ang paghuhubog ng mga atletang magbibigay karangalan sa ating bansa ay isang kolektibong pagsisikap ng sambayanan. Mahirap maabot ang kanilang pangarap para sa kanilang sarili, pamilya at bansa kung wala pong sapat na suporta,” sabi ni Go.

“Ang tagumpay nila ay tagumpay ng buong sambayanan. Ngunit ang tagumpay na ito ay nangangailangan rin ng karampatang pagsisikap hindi lang mula sa atleta kundi pati na rin sa atin na may tungkuling suportahan sila sa kanilang preparasyon at kompetisyon,” dagdag nito.

Magugunitang naging Republic Act No. 11470 ang panukala ni Go noong 2020 na naglalayong magtayo ng NAS System at Main Campus sa bansa.

Nabatid ang ang NAS ay magbibigay ng secondary education program sa integrated special curriculum on sports sa koordinasyon ng Department of Education (DepEd) at ng Philippine Sports Commission (PSC).

 Aniya, ang nasabing eskuwelahan ay mayroong world-class sports facilities, pabahay at iba pang amenities na naaayon sa international standards kung saan sapat umano ang bilang ng mga silid-aralan at iba pang pasilidad upang magabayan ang mga mag-aaral.

 “Sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na mga programa sa ating mga kabataan upang sila ay makapag-aral ng mabuti at magabayan sa kanilang mga talento sa sports, mas mabibigyan natin sila ng oportunidad na magtagumpay sa buhay,” ayon pa sa senador.                

Hulyo 16, 2021 nang simulan ang nasabing proyekto kung saan inaasahang matatapos ang Phase 1 nito sa pagtatapos ang buwan ng Hulyo ng kasalukuyang taon habang ang Phase II at Phase III ay matatapos sa 2024.

Leave a comment