

NI NOEL ABUEL
Naniniwala si Senador Christopher “Bong” Go na dapat na si Senator-elect Alan Peter Cayetano ang maging chairman ng Senate Blue Ribbon Committee dahil sa pagiging credible nito sa tungkulin.
Sa ambush interview sa Tarlac City, sinabi ni Go na tiwala ito sa kakayanan ni Cayetano na pamunuan ang Blue Ribbon Committee sa pagbabalik ng Senado.
“Sana po ang mamuno diyan, very capable naman si Senator Alan Peter Cayetano na mamuno diyan, abogado, very credible naman po. Kung sakaling pamunuan niya ito, nasa mabuting kamay ang Blue Ribbon Committee dahil pantay naman s’ya sa kanyang pagtrato,” sabi nito.
Kasabay nito nagpaalala si Go na ang trabaho ng chairman ng Blue Ribbon Committee ay para lang sa in aid of legislation at hindi para sa kapakanan nito.
“Kami sa Senado para po ito sa in aid of legislation at hindi po sa kapakanan o interes ng pulitiko, ‘yan po ang aming sisiguraduhin,” sabi ni Go.
Umaasa aniya ito na sasama si Cayetano sa majority bloc at hindi sa minorya sa Senado.
“Kung ano ang magiging desisyon niya kung sa majority, kung sasama si Senator Alan Peter Cayetano very much welcome siya na sumama siya, ako naman po nasa majority po ako sasama,” sabi ni Go.
Una nang sinabi ni Cayetano na kung masusunod ito ay nais nitong pamunuan ang Senate Blue Ribbon Committee upang maging fiscalizer sa mga maling gagawin ng mga opisyales ng pamahalaan.
Ito ang sinabi ni Cayetano kung saan hanggang sa kasalukuyan ay wala pang linaw kung anong komite ang ibibigay dito ng mga senador sa pangunguna ni incoming Senate President Juan Miguel Zubiri.
Aniya, magiging masaya ito kung magiging miyembro ng minorya sa Senado kung walang maibibigay na komite na maaari itong maging fiscalizer.
“I’ll be happy to be in minority kung walang role na maibibigay ang majority wherein you will be able to explicit details kung kailan tama kung kailan mali. So that’s the present status at siguro mag-uusap-usap kami a few weeks before SONA because maraming not in the country o busy na nag-o-organize,” paliwanag pa nito.
