
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa taumbayan na manatiling makinig sa mga ahensya ng pamahalaan at sumunod sa mga health and safety protocols dahil na rin sa muling pagdami ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Ayon sa senador, nababahala ito sa pahayag ng Department of Health (DOH) na nagkaroon ng pagdami ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) at sa posibleng paglalagay sa Metro Manila sa Alert Level 2.
“Huwag tayong makumpiyansa. Huwag nating sayangin ang magandang takbo ng ating pandemic response at vaccine rollout,” ayon kay Go, chairman ng Senate Committee on Health.
“Mas palakasin pa natin ang pagbabakuna lalo na ng booster shots para hindi na tumaas muli ang kaso ng nagkakasakit,” dagdag nito.
Aniya, bagama’t nananatili ang Metro Manila bilang low risk, 14 sa 17 lugar naman ang nakapagtala ng positive growth rate na umabot sa 1.6% ngunit hindi naman itong ikinokonsidera bilang severe at critical cases.
Ayon pa sa DOH, nananawagan ito sa publiko na huwag mag-panic dahil sa ginagawa naman lahat ng pamahalaan ang pag-monitor sa sitwasyon upang masiguro na ang lahat ng ospital ay hindi napupuno dahil sa pagdami muli ng kaso ng virus.
“Nakakabahala ang bahagyang pagtaas ng mga bilang ng bagong kaso sa Metro Manila. Sana, hindi naman mauwi ito sa pagpapatupad ng mas mahigpit na quarantine measures,” sabi ni Go.
Nanagawan din si Go pamahalaan at sa mga local officials na madaliin ang pamamahagi ng bakuna sa bansa partikular ang pagbibigay ng booster shots.
“Magpabakuna na sa pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito. Libre naman po ang bakuna mula sa gobyerno. Paraan din ito upang maprotektahan ang inyong mga pamilya at mga komunidad,” sabi ni Go.
Sa datos ng DOH, umaabot sa kabuuang 1,682 ang kaso ng COVID-19 o tinatayang 240 kada araw ang naitala mula Hunyo 6 hanggang 12 na mas mataas umano sa naitala noong May 30 hanggang Hunyo 5 na 1,295 na kaso o katumbas ng 30.4 porsiyento.
“Napaka-importante ng bakuna. Kasama dito ang booster shots, Wag natin itong balewalain dahil ang bakuna ang taning susi para makabalik sa normal na pamumuhay,” giit pa ng senador.
