
NI NOEL ABUEL
Sa kabila ng nalalapit na pagtatapos ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magtutuluy-tuloy ang kampanya nito laban sa illegal na droga kahit maging isa nang private citizen.
Ito ang sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go kung saan tinitiyak umano ng Pangulo na tutulong ito at ipagpapatuloy ang kampanya laban sa illegal drugs sa bansa sa oras na magtapos ang termino nito.
“Ang nabanggit naman po niya, bagama’t private citizen na siya ay ipapagpatuloy pa rin po niya ‘yung kampanya niya laban sa iligal na droga bilang isang private citizen. Marami naman pong paraan na ipagpatuloy po itong kampanya,” sabi ni Go.
Isa aniya sa gagawin ng Pangulo ay gamitin ang impluwensya nito at igiit sa mga Filipino na maging disiplinado at umiwas sa paggamit ng illegal drugs.
“Ibig sabihin, maaari po siyang magsalita bilang private citizen, maaari po siyang manghikayat sa ating mga kababayan na maging disiplinado at iwasan po ang iligal na droga,” ayon pa dito.
Nanghihinayang aniya ito na matatapos na ang termino ni Pangulong Duterte dahil sa hinhangaan nito ang huli sa matibay na political will at pagmamahal sa mga Filipino. “‘Yung pagmamahal sa kapwa Pilipino. Alam n’yo po, nakakalungkot dahil bababa na siya sa kanyang puwesto. Pero ‘yung natutunan ko talaga sa kanya ‘yung tapang at ang political will sa trabaho at ‘yung pagmamalasakit sa kapwa Pilipino,” sabi pa ni Go.
