
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pasasalamat si Senator-elect Alan Peter Cayetano sa mga kapwa mambabatas niyang tumulong na maipasa ang National Academy of Sports Act na aniya ay “dream come true” para sa mga guro ng isports sa bansa.
“It’s the first of its kind, isa po natin itong bill, si Senator Pia Cayetano has always been pushing for this, Sen. Bong Go and myself were authors of this also, kung saan ang elite athletes natin from elementary pa lang re-recruit-in na,” pahayag ni Cayetano noong isinagawa ang final walkthrough ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Tarlac ngayong linggo.
“Dream come true ito for many, many of our athletes, of our physical education teachers, mga nasa human kinetics, at y’un pong mga scientists na nagsasabi ng importansya po ng physical activity sa learning,” dagdag nito.
Si Cayetano ang pangunahing may-akda ng National Academy of Sports Act sa House of Representatives noong 2020.
Kasamang dumalo ni Cayetano sa final walkthrough sina Pangulong Rodrigo Duterte, Education Secretary Leonor Briones, Senador Pia, Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, at Senador Sherwin Gatchalian.
Dumalo rin sina Tarlac Governor Susan Yap, Capas, Tarlac Mayor Reynaldo Catacutan, at outgoing Taguig Mayor Lino Cayetano.
Kasama rin sa walkthrough sina NAS Executive Director Josephine Joy Reyes, Bases Conversion and and Development Authority (BCDA) officer-in-charge Aristotle Batuhan, BCDA Secretary Vicenzo “Vince” Dizon, Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Ramon Fernandez, Philippine Olympic Committee President Abraham Tolentino, at Philippine Olympians Association President Akiko Thompson at ilang mga opisyal nito.
Pahayag ni Cayetano, magsisilbing “go-to” na pambansang paaralan ang NAS para sa sports, kagaya ng Philippine Science High School system sa science and technology education, ng Philippine High School for the Arts sa Los Baños, Laguna sa creative studies, at ng Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City sa pagsasanay ng mga military officer.
Bukod sa pangunahing campus ng NAS sa New Clark City, nakasaad din sa National Academy of Sports Act na dapat magtayo ang gobyerno ng mga satellite campus sa bawat rehiyon ng bansa, katulad ng ginawa sa Philippine Science High School system.
Pinunto rin ni Cayetano na malaki ang potensyal ng sports tourism sa bansa na lumago kung magkakaroon lang ulit ng grassroots sports program sa bansa.
Aniya, kailangang paglalaanan ng pondo ng gobyerno ang pagtatayo ng mga imprastrukturang pang-sports sa buong bansa.
