
Ni NOEL ABUEL
Malaking hamon kay President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na patunayan ang paggalang nito sa rule of law sa pamamagitan ng pagpapalaya kay Senador Leila de Lima mula sa piitan.
Si De Lima na mahigit limang taon nang nakakulong simula Pebrero 24, 2017 dahil sa hinalang mga gawa-gawang kaso na may kaugnayan sa illegal na droga.
Sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman, dahil sa kontrolado umano ng Pangulo ang pag-usig ng mga kasong kriminal, ang mga public prosecutors ay dapat na idirektang huminto sa pag-usig pa kay De Lima dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Ayon sa mambabatas, magugunitang isa sa tatlong drug cases na isinampa laban kay De Lima ay ibinasura na noong Pebrero 17, 2021 dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensya.
Maliban pa aniya nito, ilang pangunahing saksi sa pag-uusig sa dalawa pang nakabinbing kaso ay kusang-loob na binawi ang akusasyon ng mga ito at umaming pinilit lang na isangkot ang senador sa illegal na droga.
“While de Lima languishes in jail, the prosecution is grasping at barren straws. The new administration will embark on the right foot by freeing de Lima from an unwarranted and unjust imprisonment,” sabi ng kongresista.
