
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Christopher “Bong” Go na maging regionalized o magkaroon ang bawat rehiyon sa bansa ng sariling National Academy for Sports na tulad ng nasa lalawigan ng Tarlac.
Sa kanyang pagbisita sa mga kababayan sa NAS sa New Clark City, Capas, Tarlac, sinabi ni Go na mapalad ang nasabing lalawigan dahil sila ang kauna-unahang nagkaroon ng akademya kung saan maaaring pagsabayin ng mga kabataang atleta ang kanilang pag-aaral habang nagti-training sa larangan ng sports.
Ayon kay Go, kapag maganda ang resulta ay maisusulong nito ang pagkakaroon ng iba pang NAS sa buong bansa kung saan dadagdagan kada rehiyon ng pasilidad upang makapagsanay ang mga may ptensyal na atleta habang nag-aaral.
Sinabi pa nito na marami pang may potensyal na atleta sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang hindi pa natutuklasan dahil abala sa pag-aaral kung kaya’t sa pamamagitan ng NAS ay maaari nang pagsabayin ang pagsasanay sa sports at pag-aaral.
Binigyang diin ni Go na maraming potential athletes sa bansa pero hindi nabibigyan ng pagkakataon dahil nag-aaral ang iba at hindi kayang isakripisyo.
Matatandaan na isinulong ni Go na magkaroon ng National Academy for Sports bilang tulong sa mga atletang Pinoy nang hindi na kailangang isakripisyo ang kanilang pag-aaral
Samantala, tiniyak din ni Go na patuloy itong magtatrabaho at magsisilbi sa sambayanan bilang senador kahit matatapos na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sinabi ni Go na bagama’t mababawasan ang kanyang kapasidad dahil matatapos na ang Duterte administration, makakaasa pa rin ang sambayanan na tuloy ang kanyang serbisyo sa abot ng kanyang makakaya.
Ayon kay Go, hindi siya mangangako nang tulad ng isang pulitiko pero gagawin niya ang lahat ng kanyang makakaya.
Kasabay nito ay tiniyak nitong maliban sa infrastructure projects ay tutulong pa rin ito sa iba pang mga programa na makakatulong sa mga kababayan.
Ang mahalaga aniya ay ang pagtutulungan para maiahon ang mga kababayan sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic.
