Presidential Awards ibinigay kay Senador Bong Go at sa ibang cabinet officials

NI NOEL ABUEL

Ginawaran ng Order of Lakandula na katumbas ng Grand Cross ni Pangulong Rodrigo Duterte si Senador Christopher “Bong” Go at iba pang opisyal ng pamahalaan dahil sa mahalagang kontribusyon ng mga ito sa nation-building at pagtulong na aabot ng kasalukuyang administrasyon ang tagumpay sa paglaban sa COVID-19 pandemic.

Ang Order of Lakandula ay binuo sa pamamagitan ng Executive Order No. 236, s. 2003 o ang Honors Code of the Philippines na ipinagkakaloob sa isang indibiduwal na inialay ang sarili para sa ibang tao.

Ang Order of Lapu-Lapu na ibinigay kay Go ay katumbas ng ranggong Magalong kung saan ang nasabing parangal ay ibinibigay sa sinumang government officials o personnel at pribadong indibiduwal  na nagbigay ng “extraordinary service”.

Sinabi ni Go na bagama’t hindi aniya nito inaasahan na makakatanggap ito ng parangal ay sapat na ang makatulong ito sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagtulong sa mga  Filipino sa panahon ng kalamidad.

“Isang malaking karangalan ang mabigyan ng parangal mula kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Hindi ko inasahang mabibigyan ako nito dahil, isa sa mga natutunan ko mula sa tagal ng aming pagsasama ng Pangulo ay hindi dapat naghahangad ang isang lingkod bayan ng pagkilala. Magkaroon ng pagkakataon na makapagserbisyo ay sapat na,” sabi pa nito.

“Para sa akin, sapat nang makita ko sa mga Pilipino ang mga ngiti kapag napagserbisyuhan at natulungan ko sila sa kanilang pinagdadaanang hirap,” dagdag pa nito.                

Maliban kay Go, kasama rin sa tumanggap ng parangal ang iba pang miyembro ng gabinete tulad ni Executive Secretary Salvador Medialdea, Department of Finance (DOF) Sec. Carlos Dominguez III, Department of Transportation (DOTr) Sec. Arthur Tugade, si dating Department of Public Works and Highways (DPWH)  Secretary Mark Villar, Presidential Adviser for Covid-19 response Sec. Vivencio Dizon, Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III, dating cabinet secretary Karlo Alexei Nograles, Department of National Defense (DND) Sec. Delfin Lorenzana, Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones, Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año, si Chief Implementer of NTF Against COVID-19 Sec. Carlito Galvez Jr, National Security Adviser (NSA) Hermogenes Esperon, at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Sec. Martin Andanar.

Leave a comment