
NI NOEL ABUEL
Hinimok ni Senator-elect Alan Peter Cayetano ang mga Pilipino na suportahan at ipanalangin ang lahat ng opisyal ng pamahalaan sa pagharap sa samu’t saring problema na kinakaharap ng bansa.
Sa isang live video sa kanyang official Facebook page, sinabi ni Cayetano na dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at mga pangunahing bilihin ay dapat na magkaisa ang lahat para masolusyunan ito.
“At sa sobrang taas ng presyo ng mga bilihin, sa sobrang dami ng mga problema, whether administrasyon o oposisyon, majority or minority, we all have to play a role in building our nation at magtulong-tulong,” sabi ng senador.
Nabatid na nagtungo sa Malacañang si Cayetano at kanyang asawang si incoming Taguig Mayor Lani Cayetano para mag-oath-taking sa harap ni Pangulong Rodrigo Duterte, na bababa na sa pwesto sa Hunyo 30 matapos ang anim na taon bilang pinuno ng bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Cayetano na umaasa itong magiging “elder statesman” ang Presidente pagkatapos ng kanyang termino, sa gitna ng mga hamon na hinaharap ng bansa habang nasa proseso ito ng pagbangon mula sa mga epekto ng pandemya at mga sigalot sa iba’t ibang bahagi ng daigdig.
“I hope the President will continue to be our elder statesman. Kailangan na kailangan pa rin natin si President Duterte kahit na wala na siyang posisyon,” aniya.
Binigyang-diin din ni Cayetano ang kahalagahan ng “constructive approach” sa gagawin nito at ng mga kasamahan niya sa Senado.
Ayon sa Senator-elect, maaari namang mangyari ang pagkakaisa at kooperasyon habang tinutukoy ang mga bagay na kailangan itama at baguhin sa pamamahala.
“Kung ano man ang role natin sa Senate, tulung-tulong tayong lahat. Simple lang ang rule natin: tulung-tulong, pero ang tama ay tama, at ang mali ay mali,” ayon sa dating House Speaker.
Nagpasalamat naman si Cayetano sa mga tumulong sa kanya na makabalik sa Senado matapos ang tatlong taong panunungkulan sa Mababang Kamara.
“I’d like to thank first God and then lahat kayo for putting me back in the Senate, and of course kay Lani sa lahat ng Taguigeno at lahat ng mga nag-pray para sa kanya na makabalik sa mayor’s office,” aniya.
Sa isa pang live video sa kanyang opisyal na Facebook page noong Huwebes, nagsalita si Cayetano kasama ang kapwa niya Senator-elect Robin Padilla, na kinilala ng dating House Speaker bilang isang lider na may “passion” para sa pederalismo at constitutional reforms.
“Kung meron naman po talagang yung passion po sa pederalismo at constitutional reforms, at yung pagtaas po ng presyo, ‘yan po ay pagtutulung-tulungan po namin sa Senado,” ani Cayetano.
Pinapurihan naman ni Padilla si Cayetano bilang isang eksperto sa pagbubuklud-buklod ng iba’t ibang tao. Ayon sa kanya, dapat mas tapat ang mga nahalal na lider sa sambayanang Pilipino kaysa sa sinumang personalidad.
“Kung may heneral ang ranggo ng mga taong magaling makipag-kapwa-tao, wala pong iba ‘yun kundi si Senator Alan Peter Cayetano,” ani Padilla.
“Dapat po ang intensyon natin lagi ay ‘yung ikabubuti ng bayan, hindi po ‘yung kung kanino tayo. Dapat ‘yung mahalaga, ‘yung loyalty at ‘yung katapatan natin ay sa bayan,” dagdag pa nito.
