Wanted na Korean national arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isa na namang Korean national na wanted sa bansa nito dahil sa kasong telecommunications fraud.

Sa ulat na tinanggap ni BI Commissioner Jaime Morente sa report ng fugitive search unit (FSU), nakilala ang nadakip na dayuhan na si Jung Inhyeok, 42-anyos, sa Bgy. Piblacion, San Fernando, Cebu noong Hunyo 13.

Armado ng warrant of deportation na inilabas ng BI board of commissioners, isinagawa ang operasyon laban kay Jung dahil sa binawi na ng South Korean government ang pasaporte nito,

Base sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Jung ay may outstanding warrant of arrest na inilabas ng Seoul western district court noong Abril 16, 2015 dahil sa kasong fraud.

Nabatid na ang nasabing dayuhan ay sinasabing miyembro ng phone scam syndicate na sa pamamagitan ng voice phishing ay nambiktima sa mga kababayan nito kung saan nakatangay ito ng mahigit sa 65 million Korean won  o katumbas ng US$50,500.

Sinasabing nagkunwang bank officials o sellers ang nasabing dayuhan sa call center na matatagpuan sa Thailand.

Sa record naman ng BI, si Jung ay dumating sa bansa noong Oktubre 27, 2017 bilang turista kung saan hindi na ito nag-renew ng kanyang visa dahilan upang malagay ito bilang undocumented alien.

“He will thus be immediately sent back to Korea as he was already ordered deported for being an undesirable, overstaying and undocumented alien,” sabi ni Morente.

Leave a comment