
NI NOEL ABUEL
Pinamamadali ni Senador Grace Poe sa pamahalaan ang pag-iimprenta at paghahatid ng National ID na matagal nang naantala ang pamamahagi.
Ayon sa senador, dapat na agarang solusyunan ng gobyerno ang pagkaantala sa pag-iimprenta at paghahatid ng National ID sa mga Filipino upang mabigyan ng katibayan ng pagkakakilanlan sa iisang card.
Giit ng senador, ang paghihintay ng anim na buwan hanggang isang taon para makuha ang ID ay hindi katanggap-tanggap.
“Nagamit na sana nila ito bilang mapagkakatiwalaang katibayan sa pagkuha ng cash aid, fuel vouchers, benepisyong pangkalusugan at iba pang serbisyong mahigpit nilang kinakailangan para makaraos sa gitna ng kahirapan,” sabi ni Poe.
Idinagdag pa ng senador na napadali na rin aniya ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan at pribadong sektor kung nasa kanila na ito.
“Habang patuloy nating hinihimok ang publiko na kumuha ng National ID, nananawagan tayo sa Philippine Statistics Authority na tiyakin ang kawastuhan ng mga datos sa card at maging maagap sa mga kinakailangang pagbabago rito kung kinakailangan,” sabi pa nito.
“Sa kalahati ng populasyon na nakapagrehistro na para sa ID, malinaw na binigyan ng mga Pilipino ng halaga at pagkakataon ang programa. Kaya’t nararapat lamang na tapatan ito ng gobyerno ng masigasig na paglilingkod sa pamamagitan ng agarang pagkakaloob ng card sa naghihintay nating mga kababayan,” dagdag pa nito.
