Pagpapabuti sa healthcare system iginiit ni Senador Bong Go

Senador Christopher “Bong” Go

NI NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Christopher “Bong” Go na mahalagang bigyan-pansin ang kalagayan ng mga  ospital at ang mga pasyente kung saan kailangan na magtayo pa ng mga bagong ospital sa buong bansa partikular sa mga lalawigan.

“Kailangan po talagang bigyang pansin ang kalagayan ng mga ospital, pasyente at healthcare workers. Kailangan i-upgrade ang mga ospital, dagdagan ang mga kama at magtayo pa ng bagong mga ospital sa probinsya,” sabi ng senador.

Ginawa ni Go ang pahayag sa video message sa inagurasyon ng Western Visayas Sanitarium and General Hospital (WVSGH) sa Santa Barbara at  Don Jose S. Monfort Medical Center sa Barotac Nuevo (DJSMMC) pawang nasa probinsya ng Iloilo.

“Ipinaglaban po natin ito sa Senado dahil alam ko kung gaano ninyo kailangan ito. Sabi ko nga, sa pag-iikot ko sa mga ospital sa buong bansa, nakakalungkot pong makita na nasa corridor na ng ospital ang ibang pasyente dahil walang available na kama. Bukod sa problema kung papaano bibilis ang kanilang paggaling, nagiging isyu na rin po ang hawaan ng sakit pati na rin ang kalusugan at seguridad ng ating mga healthcare workers,” ani Go.

“Kailangan po talagang bigyang pansin ang kalagayan ng mga ospital, pasyente at healthcare workers. Kailangan i-upgrade ang mga ospital, dagdagan ang mga kama at magtayo pa ng bagong mga ospital sa probinsya,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ni Go, na mananatiling chairman ng Senate Committee on Health and Demography, na tinitiyak nito na isusulong sa Senado ang pagpapalakas at pagpapabuti ng healthcare system sa bansa at mas maraming Filipino ang makinabang sa quality health services sa buong bansa.

Ayon pa sa senador, aabot sa 39 local hospital bills ang inihain nito sa Senado na nakapasa at tuluyang pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging batas na naglalayong magkaroon ng marami pang public health facilities sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Kabilang dito ang Republic Act 11723 na nagko-convert sa WVSGH para maging general hospital na ang specialty ay para sa infectious diseases; ang RA11725 o pag-convert sa DJSMMC bilang tertiary hospital at madagdagan ang bed capacity nito mula 100 ay magiging 300 beds.

Leave a comment