
NI NOEL ABUEL
Nagbanta ang isang kongresista na magpapatawag ito ng imbestigasyon sa Kamara laban sa National Commission for Muslim Filipinos (NCMF) na nabigong kumilos para kumaha ng travel visas ang mga Hajj pilgrims na stranded ngayon sa Metro Manila.
“Isa sa pinakamahalagang bahagi ng buhay ng mga Muslim ang Hajj. Mapalad ang sinumang makakapaglakbay at maisasagawa ito ng isang beses sa kanilang buhay. Kaya nakakalungkot ang balitang marami ang hindi makakaranas nito ngayong taon dahil sa pagkakamali o kapabayaan ng iilan,” sabi ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman.
Tugon ito ng kongresista kasabay ng pangakong magpapatawag ito ng congressional review sa pagbubukas ng 19th Congress dahil sa kabiguan ng NCMF na makakuha ng secure travel visas sa maraming Hajj pilgrims.
“Dapat ay malaman natin kung bakit nangyayari ang mga ganito. May pondo naman ang NCMF para ayusin ang Hajj ng mga kababayan nating Muslim, pero bakit may ganitong klaseng gusot na nangyayari? We should hold accountable all those responsible for this mess,” giit ni Hataman.
“Baka kailangan pag-aralan na natin ang proseso ng coordination ng mga tanggapan sa NCMF tungkol sa Hajj at tingnan kung saan pwedeng malunasan ng pag-amyenda ng batas. May nagpabaya ba? May nagkamali ba? San galing ang gusot? Ito ang mga titingnan natin sa ating imbestigasyon,” dagdag pa nito.
Aniya, kung hindi magagawa ng nasabing ahensya ang trabaho ito ay dapat na ibigay na lamang ito sa pribadong sektor.
“O baka naman kailangan na nating pag-aralan kung dapat bang sa private sector na natin ibigay ang Hajj coordination tulad ng ginagawa sa ibang bansa. Mahigit kumulang sa isanlibo ang stranded Filipino pilgrims dahil sa na-cancel na mga flights,” ayon pa sa dating gobernador ng ARMM.
Isa aniya sa mandato ng NCMF ay makipag-ugnayan sa pamamagitan ng Bureau of Pilgrimage and Endowment, ang Hajj pilgrimage of Muslim Filipinos at tulong ng sa pagtungo sa Kingdom of Saudi Arabia.
Subalit, ang flights aniya patungong KSA noong nakalipas na Hunyo 19, 20 at 21 ay nakansela dahilan upang libu-libong pilgrims na stranded.
“Moral governance requires us to be pro-active in looking after the welfare of these stranded Muslim pilgrims. Marami diyan, nagagastos na ang pocket money dapat nila sa Hajj at baka wala nang pantustos sa araw-araw. Sana ay mapuntahan sila, matanong at matulungan, hindi yung bahala na sila sa buhay nila,” ani Hataman.
“May pondo naman ang NCMF para sa mga ganitong klaseng problema, bakit hindi gamitin? Let us show compassion sa ating mga kapatid na Muslim na nasa ganitong sitwasyon ngayon dahil sa kapabayaan ng iilan,” dagdag nito.
