Programa at proyekto ni PRRD itutuloy sa Marcos administration –solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Tiniyak ni Senador Christopher “Bong” Go na ipagpapatuloy nito ang sinimulang mga proyekto ng Duterte administration hanggang sa susunod na administrasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., para sa ikagiginhawa ng mga Filipino .

Ito ang sinabi ng senador sa pagpapasinaya ng Philippine National Railway Lucena – San Pablo Commuter Line sa Lucena City, Quezon.

“Ipagpatuloy at pagsikapan nating mapaigting pa lalo ang mga pinaghirapan ng administrasyong Duterte sa nakaraang anim na taon upang maramdaman ang mga magagandang pagbabago sa bawat sulok ng bansa. Ang lahat ng ito ay para sa bawat Pilipino at sa susunod pang mga henerasyon upang maisakatuparan ang ating pangarap na mas komportableng buhay para sa lahat,” sabi ni Go.

“Sa ating Build Build Build program, unti unti na nating maisasakatuparan ang pangako ng Pangulo na bigyan ng mas komportableng buhay ang mga Pilipino. ‘Di na kailangan mahirapan pa ang mga kababayan natin dahil mas magiging mabilis at maayos na ang kanilang biyahe,” dagdag pa nito.

Nabatid na ang PNR Lucena – San Pablo Commuter Line ay ang 44.3-kilometer inter-provincial railway commuter train na may maximum speed na 120 km kada oras, ay magkakaroon ng dalawang terminal stations sa Lucena City at San Pablo City sa Laguna gayundin, may apat na flag stops sa pagitan ng mga bayan ng Sariaya, Lutucan, Candelaria, at Tiaong sa Quezon.

Sa sandaling tuluyan nang mabuksan ang operasyon nito, mababawasan ang travel time ng mga pasahero sa San Pablo City at Lucena City mula 1-oras hanggang 30 minuto.

Samantala, magiging handa rin ang nasabing commuter line para buhayin muli ang PNR Bicol Express, na magkokonekta sa Metro Manila hanggang sa mga probinsya sa Southern Luzon kabilang ang Laguna, Quezon, Camarines Sur, at Sorsogon na magdadala rin ng turismo.

“Bilang inyong senador, asahan niyo po lagi kong isusulong ang mga proyekto, panukala at adhikain na makakatulong sa bawat Pilipino. Walang humpay ang ating paglilingkod. Pinag-aaralan natin ang lahat ng posibleng paraan na maaaring makapagpabilis sa daloy ng serbisyo at makatulong sa ating mga kababayan,” ayon pa kay Go.

Leave a comment