
NI NOEL ABUEL
Ikinatuwa ni Senador Grace Poe ang pagsasapinal ng implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 11642 o ang Domestic Administrative Adoption and Alternative Child Care Act na simple at angkop na proseso ng pag-aampon at alternatibong pangangalaga sa mga bata.
“Hindi dapat ipagkait sa sinumang bata ang pagkalinga ng isang pamilya. Ito ay isang mohon sa ating sama-samang mithiing matiyak ang pinakamabuting kalagayan at kinabukasan ng mga bata,” ani Poe, isa sa may-akda at sponsor ng landmark na batas.
Nakatakdang magbigay ng mensahe ang senador sa seremonyal na lagdaan ng IRR sa Manila Diamond Hotel ngayong Hunyo 28, ganap na alas-4:00 ng hapon, na tumapat sa ika-40 araw mula nang pumanaw ang kanyang inang si Susan Roces noong Mayo 20.
“Sa pagpapadali sa proseso ng pag-aampon habang tinitiyak natin ang sapat na proteksiyon para sa bata, pinatitibay natin ang bigkis na nagbubuklod sa karapat-dapat na mga magulang at mga batang nananabik na mapabilang sa isang tahanan,” paliwanag ni Poe.
Epektibo 15 araw matapos ang paglalathala nito sa pahayagan o Official Gazette, ang IRR ay inaasahang magpapalakas sa pagtutulungan ng mga sektor para sa kapakanan ng mga batang Pilipino alinsunod sa batas.
“Sa pagsantabi sa pangangailangang dumulog pa sa korte, napadali natin ang proseso. Sa pagtatag ng one-stop shop sa alternatibong pangangalaga ng bata, umaasa tayo na ang pag-usad ng mga aplikasyon ay mas mapapabilis ayon sa nararapat.
Kinilala rin ni Poe ang kontribusyon ng mga kapwa may-akda ng batas na sina Senador Risa Hontiveros at Senador Pia Cayetano at Tingog party list Rep. Yedda Marie Romualdez; ang ehekutibo sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD); mga non-governmental organization (NGOs) at akademya sa pangunguna ng University of the Philippines Law Center, na bumalangkas ng IRR.
Kasabay nito, nanawagan si Poe sa National Authority for Child Care at iba pang ahensiya na tiyakin ang kapakanan ng bawat batang Pilipino.
“Ang pag-ampon sa isang bata ay maaaring hindi makapagbago sa mundo, ngunit mababago nito ang mundo para sa isang bata,” diin ni Poe.
