
NI NERIO AGUAS
Tinitiyak ng Bureau of Immigration (BI) na walang magiging sagabal sa pagpasok sa bansa ng mga foreign dignitaries at mga bisita na dadalo sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Sa inilabas na kalatas ni Immigration Commissioner Jaime Morente, sinabi nito na inatasan na nito ang lahat ng BI officers sa mga paliparan na maging handa sa pagdating ng mga foreign delegates at tiyakin na walang magiging sagabal sa pagpasok ng mga ito sa bansa.
“We have already put in place the mechanisms and procedures to ensure that these foreign visitors are given priority in the conduct of immigration formalities upon their arrival at the airport,” sabi ni Morente.
Idinagdag pa nito na ilang immigration officials ang nakilahok sa pagpupulong ng mga ahensya ng pamahalaan para sa pagtitiyak ng seguridad at pag-asiste sa pagdating ng mga foreign dignitaries.
Kabilang aniya dito ang madaling implementasyon ng customs, immigration and quarantine (CIQ) formalities sa mga darating na mga delegado sa paliparan.
Siniguro rin ni Atty. Carlos Capulong, BI port operations chief, na nakahanda na ang lahat para salubungin ang mga foreign delegates.
“We have designated special lanes that will cater to these foreign delegates and assigned a team of immigration officers who will conduct remote immigration clearance of the passengers at the airport ramp in case foreign delegates will be arriving on chartered flights,” sabi ni Capulong.
Kabilang sa nauna nang dumating sa bansa ang delegasyon ng Estados Unidos sa pangunguna ni Douglas Craig Emhoff, ang asawa ni US Vice President Kamala Harris, at ang mga entourage nito sakay ng chartered military aircrafts.
Inaasahan namang drating ngayong araw ang delegasyon ng China sa pamumuno ni China’s Vice President Wang Qishan, sakay ng chartered plane.
Inaasahan din ang pagdating sa bansa ng mga delegado at dignitaries mula sa ASEAN countries at sa iba pang nasyon bilang paghahanda sa darating na inagurasyon ng ika-17 Pangulo ng bansa na si Marcos.
