Pagpapabuti sa operasyon ng BI regalo ng Duterte legacy

BI Commissioner Jaime Morente

NI NERIO AGUAS

Ipinagmalaki ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na malaki ang naging pagbabago sa serbisyong ipinatutupad ng ahensya sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ayon kay Morente bagama’t nasangkot sa eskandalo at usapin ang BI sa kurapsyon at katiwalian ng ilang empleyado nito ay buo pa ring itinataguyod ng mas nakararaming tapat na BI employees ang trabaho ng mga ito.

“It has been a very challenging 6 years, as we faced many issues, scandals, and adversities. But we soldiered on because we remained steadfast in our aim to improve the BI,” aniya.

Magugunitang nabalot ng samu’t saring kontrobersiya ang BI dahil sa katiwalian at kurapsyon kabilang ang kontrobersyal na Pastillas scam kung saan 43 tauhan nito ang kinasuhan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kasama ang 18 BI employees na sinibak sa tungkulin.

Gayundin ang P50M Jack Lam bribery scandal noong 2017 kung saan sangkot ang dating mga opisyales ng BI na sina Al Argosino at Michael Robles na nahuli sa CCTV camera na tumanggap ng nasabing halaga kapalit ng pagpapalaya sa mahigit sa 1,300 Chinese nationals na illegal na nagtatrabaho sa Fontana Leisure Parks and Casino sa Pampanga.

At noong taong 2021 nang napatunayang found guilty sa kasong plunder ng Sandiganbayan at pinatawan ng pagkakakulong ng reclusion perpetua o 40 taon at 10 taon naman sa graft ang dalawang opisyal.

Ngunit sinabi ni Morente na ginagawa ng BI ang lahat para malinis ang ahensya mula sa kurapsyon sa mga paliparan kung saan isa sa solusyon nito ay balasahin ang mga BI employees sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Isinulong din nito ang long-term solution sa pamamagitan ng pag-amiyenda sa Philippine Immigration Act na sagot sa usapin ng suweldo, pag-aalis sa systemic issues at pagbibigay ng karapatan sa BI commissioner na magpataw ng parusa sa mga abusadong tauhan.

“The Philippines has been awarded the Tier 1 status by the US State Department Trafficking in Persons Report for 6 years straight.  As a member of the Inter-Agency Council Against Trafficking, the BI has continuously fought against human trafficking and illegal recruitment.  The Philippines is the first in the ASEAN region to receive such rating, and is one of four in Asia,” sabi ni Morente.

“In 2016, the Bureau was awarded the prestigious ISO 9001:2008 certification for the entry and exit formalities at NAIA Terminals 1, 2, and 3, and was the first to be certified among the attached agencies of the Department of Justice.  The BI has successfully transitioned to the ISO 9001:2015 expanding the scope to include the extension of stay for Temporary Visitors’ Visa,” dagdag pa nito.

Habang sa panahon umano ng pandemya, tiniyak ng BI na ang mga tauhan nito ang higit sa prayoridad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Covid-19 vaccinations bilang frontliners, at pagkakaloob ng medical support.

Maliban pa dito ay pinunan din ng BI ang kakulangan ng manpower nito kung saan 2,058 ang napunan sa 2,764 plantilla positions at 200 contractual employees ang kinuha ng BI para makatulong sa  malawakang operasyon sa paliparan.

Leave a comment