10K Ayuda Bill pagtutulungan ng Senado at Kamara na maging batas– Sen. Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Alan Peter Cayetano na tutuparin nito ang isinusulong nitong 10K Ayuda Bill at iba pang priority bills sa Senado para mapadali ang proseso ng pag-apruba at pagpapatupad nito.

Sa kanyang talumpati sa oathtaking ng mga bagong opisyal ng Taguig City sa pangunguna ni Mayor Lani Cayetano, sinabi ng dating House Speaker na taliwas sa sinasabi ng kanyang mga bashers, ang pagbabahagi ng P10,000 na direktang tulong sa bawat pamilyang Pilipino ay isang “legislative proposal” na kailangang aksyunan ng Senado, Kamara at Malacañang.

Ayon sa senador, ang 10K Ayuda Bill ay iba pa sa Sampung Libong Pag-asa program na nagbahagi ng P10,000 sa ilang mga piling beneficiary mula May 1, 2021 hanggang pansamantala itong itinigil noong Pebrero 2022 bilang pagsunod sa patakaran ng Comelec para sa halalan noong Mayo.

“Sa mga nangba-bash sa 10k ayuda, kung kaya ko lang silang bigyan ng tagsa-sampung libo, binigay ko na sa kanila. Pero sa katotohanan ito’y isang legislative proposal,” wika ni Cayetano.

“So ang hinihingi ko po doon sa mga tumutuligsa sa programang Sampung Libong (Pag-asa) during the pandemic, tumulong na lang kayo,” dagdag nito.

Nangako si Cayetano na ihahain nito ang 10K Ayuda Bill sa lalong madaling panahon at hinikayat sina Taguig-Pateros Rep. Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr. at Taguig 2nd District Rep. Maria Amparo “Pammy” Zamora na i-file din ang counterpart bill sa Kamara.

“Today may I take the opportunity to ask that two of my pet bills, ‘yung moral uprightness at ‘yung sampung libong ayuda, ay i-file din ng ating partner sa Kongreso — ni Congresswoman Pammy at Congressman Ading para sabay po lumarga ang ating mga pet bills,” paliwanag ni Cayetano.

Bilang miyembro ng Kongreso, inihain ng mag-asawang Cayetano ang House Bill No. 8597 o ang 10K Ayuda Bill noong February 1, 2021 na nanawagang lumikha ng isang financial aid program na magbibigay ng P10,000 sa bawat pamilyang Pilipino.

Kasama nilang co-author ng bill ang mga kaalyadong sina Camarines Sur 2nd District Rep. LRay Villafuerte, Batangas 2nd District Rep. Ranie Abu, Laguna 1st District Rep. Dan Fernandez, Anakalusugan party list Rep. Mike Defensor, at Bulacan 1st District Rep. Jonathan Sy-Alvarado.

Ayon sa panukala, ang perang ibibigay sa mga pamilya ay maaaring gamitin para sa mga pangunahing pangangailangan o pambayad sa utang na lumaki dahil sa COVID-19 pandemic.

Maaari rin aniya itong gamitin para ipundar sa isang negosyo o kaya’y para maituloy ang kabuhayang natigil dahil sa mga lockdown.

Leave a comment