
Ni NOEL ABUEL
Pinaiimbestigahan ni Senador Win Gatchalian sa Senado ang naging suliranin at problema sa kuryente sa lalawigan ng Occidental Mindoro.
Ayon sa senador, sa kabila ng panunumbalik ng suplay ng kuryente sa Occidental Mindoro matapos ang tatlong araw na blackout na nagsimula noong Hunyo 25, nais paimbestigahan nito ang paulit-ulit na power interruption na ilang taon nang problema ng lalawigan.
“Kung walang kuryente, walang negosyo, walang kita ang mga tao. At kung magpapatuloy pa ito sa mga susunod na buwan, maaaring maapektuhan pati ang pagpasok sa paaralan ng mga mag-aaral. Hahayaan na lang ba natin na ganito na lang palagi ang sitwasyon sa Occidental Mindoro?” tanong ni Gatchalian.
“Nagrereklamo sa akin ang mga residente. Nararapat lang na alamin ang pinag-uugatan nitong paulit-ulit na problema sa kuryente ng probinsya,” dagdag nito.
Sinabi ng senador na maghahain ito ng resolusyon upang atasan ang komite sa Senado na may hurisdiksyon sa isyu na magsagawa ng imbestigasyon upang makapagbalangkas ng batas na tutugon sa pagkakaroon ng maaasahang suplay ng kuryente sa lugar.
Iginiit nito, na personal nitong naranasa ang problema sa kuryente sa lugar noong minsang bumisita ito noong kasagsagan ng kampanya.
Ayon sa mga ulat, tumigil ang Occidental Mindoro Consolidated Power Corp. (OMCPC) sa pagsu-supply ng kuryente sa Occidental Mindoro Electric Cooperative Inc. (OMECO) noong Hunyo 25 matapos mapaso ang kontrato nito sa nasabing kooperatiba.
Naibalik ang pagseserbisyo nito noong nakaraang Lunes. Pansamantalang inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang isang power supply agreement (PSA) sa pagitan ng OMECO at OMCPC upang makapagbigay ng kaukulang suplay at maiwasan na ang rotational brownouts.
Ang OMECO ang electric cooperative na nagseserbisyo sa 240,887 na mga kabahayan sa franchise area ng Occidental Mindoro.
“Kung hindi mabibigyan ng solusyon ang problemang ito, mapag-iiwanan ang probinsya ng Occidental Mindoro. Malaking bagay ang pagkakaroon ng tuloy-tuloy na suplay ng kuryente, may pandemya man o wala. Isa itong dahilan sa mabilis na pag-unlad ng isang lugar o ng buong bansa. Kung hindi sapat ang mga umiiral na batas para tugunan ang problema sa suplay at kalidad ng kuryente sa Occidental Mindoro o kahit saan pa mang lugar o probinsiya, maaari tayong magbalangkas ng mga bagong batas o reporma sa mga kasalukuyang batas,” paliwanag ni Gatchalian sa kanyang panawagang imbestigasyon.
