Ex-AFP general kulong ng 14-taon

NI NOEL ABUEL

Hinatulan ng Sandiganbayan Second Division si dating Armed Forces of the Philippines (AFP) comptroller Carlos F. Garcia ng pagkakakulong ng hanggang 14-taon at multang aabot sa P407.8 milyon dahil sa pagkakaugnay sa direct bribery at facilitating money laundering.

Sa 8-pahinang desisyon na inilabas ni Associate Justice at Second Division chairperson Oscar C. Herrera Jr. at kinatigan nina Associate Justices Michael Frederick L. Musngi at Arthur O. Malabaguio, matapos ang 12-taon nang maghain ng guilty plea si Garcia sa dalawang kaso bilang bahagi ng plea bargain na pinasok nito sa Office of the Special Prosecutor at isinumite sa anti-graft court noong Marso 16, 2010.

Sa ilalim ng 2010 agreement, naghain si Garcia ng surrender assets na aabot sa kabuuang P135,433,387.84 na mas mababa sa P303.27 milyong ill-gotten wealth na hinahanap ng government prosecutors na nakulimbat nito noong aktibo pa ito sa serbisyo.

Bilang kapalit, pinagayan itong maghain ni guilty plea sa mas mababang pagkakasala bilang kapalit sa standing trial para sa capital offense na plunder at paglabag sa RA 9160 o ang Anti-Money Laundering Act.

Hiniling din ni Garcia na ibasura ang kasong plunder laban sa asawa nitong si Clarita at mga anak na sina Ian Carl, Juan Paulo, at Timothy Mark.

Sa kabila na kinatigan ng Sandiganbayan ang plea bargain deal na may petsang Mayo 9, 2011 at panibagong apela noong Abril 10, 2013, nanatili ang dating heneral sa piitan matapos hamunin ng gobyerno sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General sa Supreme Court.

Sa desisyon noong Setyembre 16, 2020, ibinasura ng SC ang petition for certiorari na nagkukumpirma sa bisa ng plea bargain agreement sa pagitan ng akusado at ng prosekusyon gayundin ang judicial discretion ng korte na aprubahan ito.

Ang desisyon ng SC ay naging final and executory noong Hulyo 15, 2021 at ang Sandiganbayan ay inabisuhan ng Entry of Judgment noong Mayo 13, 2022.

 At para naman sa krimen ng direct bribery ay mapaparusahan si Garcia sa ilalim ng Article 210 ng Revised Penal Code, ng apat na taon at dalawang buwang pagkakakulong hanggang walong taon at multang P406,300,162 o katumbas ng tatlong beses ng kabuuang halaga na natanggap ayon sa Plea-Bargaining Agreement.

Habang ang krimen naman paglabag sa RA 9160 o  facilitating money laundering, hinatulan itong makulong ng apat hanggang anim na taon at multang P1.5 milyon.

 “Let these cases be archived with respect to accused Clarita D. Garcia, Ian Carl D. Garcia, Juan Paulo D. Garcia, Timothy Mark D. Garcia, John Does, James, and Jane Does, to be revived upon their arrest or voluntary surrender. Let alias warrants of arrest be issued against them,” sa utos ng korte.

Sa kabila namang nakakulong na si Garcia ng mahigit sa 16-taon simula nang mailagay ito sa ilalim ng hurisdiksyon ng Sandiganbayan noong Hunyo 2005 dahil sa plunder charge at ikinulong ito sa PNP Custodial Detention Center sa Camp Crame, mananatili pa rin itong nakakulong ng ilang panahon pa dahil sa idineklara ng Sandiganbayan na nahaharap ito sa “subsidiary imprisonment in case of insolvency” o karagdagang panahon para sa pagkabigong mabayaran ang ipinataw na multa laban sa dating heneral.

Leave a comment