
NI NOEL ABUEL
Inihain sa Kamara ang panukalang batas ng mga kongresista mula sa Bicol sa pangunguna ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang paglalaan ng P1.5 trillion, three-year economic stimulus program na magagamit ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa unang bahagi ng termino nito.
Ito ang nakapaloob sa panukalang House Bill (HB) No. 271 o ang National Economic Stimulus and Recovery Act of 2022, na ipinanukala ni Villafuerte, CamSur Reps. Tsuyoshi Anthony Horibata at Miguel Luis Villafuerte, at Bicol Saro partylist Rep. Nicolas Enciso VIII, na magagamit ng gobyerno para makabuo ng milyong trabaho at mapabilis ang pagbangon ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 virus at sigalot sa Russia at Ukraine.
Sinabi ni Villafuerte na ang HB No. 271 ang suporta ng mga kongresista sa inaugural speech ni Marcos noong Hunyo 30 na ipagpapatuloy ang massive infrastructure program na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Idinagdag pa ni Villafuerte na bahagi na rin ito sa pahayag ni incoming House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na ipaprayoridad sa 19th Congress ang Bayan Bangon Muli (BBM) bill na kahalintulad ng Bayanihan to Heal as One (Bayanihan 1) at Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) na naipasa noong 2020 bilang tugon sa pandemya.
Sinabi ni Romualdez na ang panukalang “Bayan Bangon Muli bill stimulus package, ay magbibigay-daan kay Marcos na gamitin ang mga mapagkukuhanang pondo sa panahon ng pagsasara ng 2022 at ipasa ang mga hakbangin na kinakailangan para sa pandemya.
Anila, ang BBM bill ay nakikitang katulad ng Bayanihan laws na naipasa para mabawasan ang negatibong epekto ng Covid-19 lockdowns sa ekonomiya ng bansa.
Malaking bagay umano na si Romualdez na dating naging House majority leader noong nakalipas na Kongreso at si Villafuerte ang principal author ng Bayanihan 1 at Bayanihan 2 laws noong 2020 na nagamit ng Duterte administration para magamit sa pagbili ng gamot laban sa nakamamatay na coronavirus at pamamahagi ng ayuda at iba pang financial assistance sa mga low-income families, displaced workers, distressed entrepreneurs at iba pang sektor na tinamaan ng global economic standstill dulot ng Covid-19.
Paliwanag pa ni Villafuerte, ang panukalang P1.5-trillion stimulus package ay magbibigay-daan kay Pangulong Marcos na mapanatili ang walang katulad na paggastos sa infrastructure development initiated ni Duterte.
Ngunit sa pagkakataon aniyang ito, ang mga mamumuhunan ay nakasentro sa pagtatayo at pagpapabuti ng mga pasilidad para sa HEAL IT o Health, Education, Agriculture, Livelihood, Information Technology (IT) and Tourism.
