3 infra projects ng DPWH sa Zamboanga City natapos na

NI NERIO AGUAS

Iniulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos na nito ang tatlong infrastructure projects sa lalawigan ng Zamboanga na makakatulong sa mga residente nito at sa ibang lugar.

Ayon sa DPWH Zamboanga City District Engineering Office, kabilang sa natapos ang reconstruction ng 1.7-kilometrong bahagi ng national road sa Barangay Tictapul.

Sa ulat na ipinadala ni DPWH Region 9 Director Cayamombao D. Dia kay DPWH Sec. Secretary Manuel M. Bonoan, ang rehabilitasyon ng Pagadian-Zamboanga City Road ay malaking suporta sa ecotourism at agribusiness sa nasabing lungsod na makakatulong sa pagbangon ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.

Samantala, kabilang din sa natapos na proyekto ang Task Force Zamboanga Building na may ponding P9.7M,  at may lawak na 360.38-square meter military facility na mayroong administrative office, conference hall, commanding officer’s quarter, multi-purpose hall, lobby, at kusina.

Ayon sa DPWH, ang mga uniformed personnel na nakatalaga sa Camp Arturo Enrile sa munisipalidad  ng Malagutay ang makikinabang sa bagong administration office.

Sinabi naman ni DPWH Zamboanga City District Engineer Ul-Arab A. Kong na natapos na rin sa takdang oras ang Sitio Centro hanggang sa Sitio Tigui farm-to-market road sa Barangay Limaong.

Ipinatupad sa ilalim ng DPWH-Department of Agriculture (DA) convergence project, ang P12 milyon proyekto ay naglalayong mabawasan ang oras ng paglalakbay at mabawasan ang gastos sa transportasyon ng mga magsasaka na nagdadala ng kanilang mga produktong agrikultura.

Leave a comment