
NI RHENZ SALONGA
Makakaluwag na rin sa wakas ang mga motorista sa patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa inaasahang malaking tapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo simula bukas ng umaga.
Sa pambihirang pagkakataon, simula nang sumipa ang preyo ng produktong petrolyo ay ngayon lang makakaranas ang mga motorista na malaking bawas sa presyo na aabot ng P6.00 kada litro ng diesel, kerosene at gasolina.
Base sa abiso ng mga kumpanya ng langis, nasa P6.10 ang ibabawas sa kada litro ng diesel habang P5.70 naman ang rollback sa kada litro ng gasolina at P6.30 naman ang tapyas na ipatutupad sa kada litro ng kerosene.
Epektibo ang price adjustment bukas, ganap na alas-6:00 ng umaga sa PetroGazz, SeaOil, at Pilipinas Shell habang alas-8:00 naman sa CleanFuel at hatinggabi sa Caltex.
Asahan namang mag-aanunsyo na rin ang iba pang oil companies bago matapos ang araw.
Ayon sa Department of Energy, ang pagbabawas sa presyo ng produktong petrolyo ay dahil sa lockdown ngayon sa Shanghai, China at ang interest hikes sa ibang bansa at banta ng recession.
Base sa datos ng DOE, sa year-to-date adjustments, ang itinaas sa presyo ng gasolina ay nasa P30.00 kada litro, habang P42.90 kada litro sa diesel, at P36.35 kada litro sa kerosene simula Hulyo 5, 2022.
Isa pang magandang balita sa publiko ang ipinahatid ng Manila Electric Company (Meralco) na nag-abisong magbabawas din ng singil sa kuryente sa July 2022 billing na aabot sa P0.71 ang singil sa kada kilowatt hour.
Sa kabila anila na tumaas ang generation charge, masasakop naman ito ng inuiutos na refund ng Energy Regulatory Commission na P21 bilyon sa mga consumers ng Meralco.
