
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ni Senador Senador Sonny Angara na ipaprayoridad ngayong 19th Congress ang recovery at pagpapalakas ng ekonomiya ng bansa mula sa epekto ng COVID-19 virus at ng gulo sa bansang Ukraine at Russia.
Ayon kay Angara, ang chairman ng Senate Finance Committee, ito ang tamang panahon para sa pagbangon ng mga negosyo kung kaya’t dapat na tutukan at tuluyang maalis din ang red tape na nagpapahirap sa mga maliliit na negosyante.
Sinabi pa ng senador na magiging focus ng Senado sa 2023 budget ang pagpapalakas ng ekonomiya at trabaho.
“I think pampalakas, pampasigla ng ekonomiya kasi makikita natin yung datos ukol sa trabaho. Alam natin araw araw tumataas ang presyo ng langis, mga bilihin. So ‘yung pagpapalakas talaga ng ekonomiya. Pag sinabi mong pagpapalakas ng ekonomiya, hindi lang ‘yung pag-construct, pagbibigay ng serbisyo ng government, pati na rin ‘yung pagbibigay ng tulong sa kababayan natin, ‘yung mga nawalan ng trabaho kailangan bigyan ng reskilling or retooling so baging training para makahanap ng trabaho,” paliwanag pa ni Angara.
Umaasa naman ang senador na lalakas ang pribadong sektor dahil nagbukas na ang mga negosyo sa buong bansa.
Dagdag pa ni Angara na dapat gawin lahat ng gobyerno para masuportahan ang mga nagbukas na mga negosyo tulad ng pagtututok sa red tape.
“Galing tayo sa pandemiya tapos tinamaan tayo nitong epekto ng giyera sa Ukraine so ramdam na ramdam ‘yung akala natin tapos na ‘yung paghina ng ekonomiya so ngayon dapat palakasin ang ekonomiya natin dahil doon nakadepende ang ating kababayan. ‘Yung serbisyo ng gobyerno. Palagay ko lalakas naman ang pribadong sektor dahil nag-open up na ang ating mga serbisyo, mga restaurants, factories, ‘yan ay gumagana na,” paliwanag ng senador.
“Kaya dapat gawin ang lahat para masuportahan ‘yung pagbukas. Make things easier, ‘yung red tape talagang tanggalin lahat ‘yun. But in terms of budget suportahan natin ‘yung pribadong sektor,’ dagdag pa nito.
