Pangangalaga sa lolo at lola iginiit ni Sen. Revilla

Senador Ramon “Bong” Revilla Jr.

NI NOEL ABUEL

Iginiit ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na kailangang bigyan ng agarang suporta ang mga senior citizens sa bansa na pinakabulnerableng sektor na mataas ang posibilidad na mahawa ng iba’t ibang uri ng sakit at karamdaman.

Ayon sa senador, ang mga senior citizens ay may mataas na tsansa na mahawa sa mga karamdaman dahil sa kanilang katandaan kaya’t napapanahon na agad matukoy at matugunan ang kanilang kalusugan at pangangailangang medikal sa isang specialized facility.

Sa inihain nitong Senate Bill No. 27, layon nito na mapalawak ang National Center for Geriatric Health na kasalukuyang nasa pamamahala ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center upang mabilis at matiyak na matutugunan ang pangangailangang medikal ng mga lolo at lola.

Kinikilala ng naturang panukala ang probisyon na nakapaloob sa Konstitusyon na nag-aatas sa Estado na magkaroon ng komprehensibong pagtugon sa kalusugan, at magbigay ng iba’t ibang serbisyo sa mga Filipino lalong-lalo na sa mga senior citizens.

Ang National Center for Geriatric Health and Research Institute (NCGHRI) ay inaral at isinulat upang manguna sa pagtuturo, research, at pagsasanay sa ospital na paghuhusayin at tututok sa geriatric care at magsisilbing direktang pagamutan para sa senior citizens sa bansa.

 Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ay aabot sa 11,717,000 ang senior citizens sa bansa sa taong 2025; 14,245,000 sa taong 2030; at 16,833,000 na sa taong 2035 kung kaya’t malaki umano ang maitutulong ng NCGHRI sa pagbibigay ng serbisyong pagkalusugan sa lumulobong bilang ng senior citizens sa Pinas.

“Naranasan na natin noong kasagsagan ng pandemya, na ang mga senior citizen ay nangangailangan ng espesyal na atensiyon at mabilis na pagtugon kaya mahalaga na magkaroon ng special health facility na tututok o para lamang sa tukoy na karamdaman ng mga may edad. Dito, sila mismo ang prayoridad at hasa ang mga empleyado nito sa pangangailangang medikal ng mga matatanda,” paliwanag ni Revilla.

Leave a comment