
NI NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Manuel “Lito” Lapid sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na iprayoridad ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 9999, o ang Free Legal Assistance Act of 2010.
Sa kanyang liham na ipinadala kay BIR Commissioner Lilia Catris Guillermo, na may petsang Hulyo 11, 2022, sinabi ni Lapid na malaking tulong ang ginagampanan ng mga abogado sa lipunan kung kaya’t marapat na bigyan ang mga ito ng tax deduction sa pagbibigay ng legal services sa mga mahihirap.
Nakasaad sa Republic Act No. 9999, o mas kilalang Free Legal Assistance Act, na nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo noon pang 2010 subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin naiimplementa.
“However, 12 years since the law was signed, the law is still unimplemented, primarily because the Bureau of Internal Revenue (BIR) has yet to promulgate the necessary Implementing Rules and Regulations (IRR). The law provides the it should have been issued 90 days from the date of its effectivity,” paliwanag pa ni Lapid.
Sa ilalim pa ng RA 9999 layon nito na hikayatin ang mga abogado at ang mga professional firms na magbigay ng aktuwal na libreng serbisyo-legal sa mga mahihirap upang makatulong na mabawasan ang trabaho ng Public Attorney’s Office (PAO), at masiguro na bawat taong walang kakayahang magbayad ng serbisyo ng isang abogado ay mabibigyan ng magaling at independent counsel.
“Layunin ng batas na ito na makapagbigay ng libreng serbisyong legal sa ating mga kababayan na lubos na nangangailangan nito. Kaya naman mahalagang maipatupad ang batas na ito sa lalong madaling panahon,” apela pa ni Lapid.
