
NI NOEL ABUEL
Nakukulangan pa ang isang militanteng mambabatas sa ipinatupad na malakihang pagbabawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ng mga kumpanya ng langis.
Ayon kay Gabriela party list Rep. Arlene Brosas, dapat na ibaba sa P50 kada litro ang presyo ng diesel at P63 kada litro naman ang presyo ng gasolina dahil ito ang antas ng presyo ng langis sa pagsisimula ng taon.
Aniya, higit pa sa P6.10 kada litro ang dapat na maging rollback sa presyo ng diesel dahil sa sunud-sunod na taas-presyo ng langis mula pa noong Enero gamit ang palusot na Russia-Ukraine crisis.
Makatwiran aniya ang mas malaking rollback dahil humuthot ng supertubo ang malalaking kumpanya ng langis mula sa serye ng oil price hikes.
Sa unang kwarto ng taon halimbawa aniya, mahigit triple ang paglobo ng net income ng Shell mula P1.02 bilyon patungong P3.53 bilyon.
Giit pa ng mambabatas, dapat ding gawing prayoridad ang pagbasura sa excise tax at 12 percent VAT sa langis sa pamamagitan ng pag-apruba ng Kamara sa House Bill 400 na inihain ng nasabing mambabatas.
