
NI NOEL ABUEL
Isinusulong sa Senado ang pagpapalawig sa programa ng tertiary education subsidy upang maraming mahihirap na mag-aaral ang makapagtapos ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo.
Sa Senate Bill No. 29 na inihain ni Senador Ramon Bong Revilla Jr., layon nito na amiyendahan ang umiiral na Republic Act No. 10931 o ang ‘Universal Access to Quality Tertiary Education Act’ upang mapalawak pa ang Tertiary Education Subsidy (TES) ng pamahalaan.
Nais ni Revilla na mas madami pang makinabang sa Tertiary Education Subsidy na dati-rati ay gumagamit ng voucher system upang ang isang kuwalipikadong mag-aaral ay makapag-enroll sa pribadong higher educational institutions (HEIs) at technical-vocational institutions.
“Kahalintulad ito ng ipinatutupad na voucher system ng Department of Education (DepED), ngayon ay magkakaroon ng “proportional budgetary allocation”, na ang layunin ay magpatuloy ang tulong pinansiyal sa pamamagitan din ng voucher na ibibigay sa mga mahihirap at kuwalipikadong tertiary students o cash na direkteng ibabayad na sa pribadong HEIs,” sabi nito.
Nakapaloob sa naturang panukala na itaas ang access ng mga mag-aaral sa tertiary education at maitaas ang ugnayan sa pagitan pampubliko at pribadong higher education institutions at technical-vocational education institutions.
“Under this proposal, all TES beneficiaries shall continue to receive such benefits or subsidy until they complete their higher education degree program, provided that they do not fail in any of their subjects and comply with the residency requirements,” ayon sa panukala.
Sinabi pa ni Revilla na kung magiging ganap itong batas ay malaki ang maitutulong nito na makamit at maipatupad ang probisyon sa pinakahuling Philippine Development Plan 2017-2022 na humihikayat sa United Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Board na ipatupad ang voucher system at pagaanin ang loan system.
Malaking pagkakataon din umano ang ibibigay nito sa mga mahihirap na estudyante na makapamili ng eskuwelahang papasukan, maging pribado man, pampubliko o kahit technical-vocational education track o higher education, bago pa man ang enrollment period.
“Hangad ko ang agarang pagpasa nito para mas marami pang kabataang Pilipino, lalo na ang mga nasa laylayan. Maraming pintuan ang magbubukas para sa kanila kung maisasakatuparan ang mga layunin ng panukalang ito, at tiyak na makakatulong ito sa mga walang kakayahang magulang na maipadala ang kanilang mga anak sa kolehiyo o kahit sa anong technical-vocational training courses” saad ni Revilla.
