
NI NERIO AGUAS
Muling masisilayan ng mga lokal at dayuhang turista ang sikat na San Juanico Bridge sa lalawigan ng Leyte kasunod ng ulat ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na natapos nang gawin ang viewdeck at boardwalk nito.
Ayon sa DPWH, inaasahan nang muling dadagsa ang mga turista sa Tacloban City, Leyte para pagmasdan ang monumental landmark na San Juanico Bridge.
Sinabi ni DPWH Region 8 Director Allan S. Borromeo, na ang P19.2 milyong proyekto para sa konstruksyon ng 450-meter suspended deck slab, 80-meter walkway, at landscaping works bilang bagong tourist attraction.
Maliban dito, bahagi ng proyekto ang pagkakaroon ng comfort rooms at storage room na lalagyan ng solar generator para makatulong sa pagbabawas sa maintenance costs at energy consumption.
Nabatid na ang natapos na viewdeck ay magagamit na ngayon ng mga lokal at dayuhang turista para maging ligtas sa pagkuha ng larawan, magsagawa ng recreational activities, at makatulong na nakalikha ng trabaho.
Sinasabing noong hindi pa naisasaayos ang viewdeck, ang mga turista ay bumibiyahe pa ng malayo para makarating sa San Juanico Bridge at tumigil sa gilid ng kalsada dahilan upang makasagabal ang mga ito sa daloy ng trapiko.
Ayon sa DPWH, ipinatupad ng DPWH – Tacloban City District Engineering Office, ang bagong tourism structure na natapos mula sa pondong nakalaan sa 2021 General Appropriations Act (GAA).
