
NI NOEL ABUEL
Isinusulong ng isang senador na parangalan ng Senado si dating Japan Prime Minister Shinzo Abe na nasawi sa political rally dahil sa malaking tulong nito sa Pilipinas.
Sa inihaing resolusyon si Senador Manuel “Lito” Lapid, nais nitong parangalan si Abe, na pinakamatagal na naglingkod bilang prime minister sa kasaysayan ng Japan sa loob ng 9-taon at pinakabatang nahalal na Japanese premier noong 2006.
“Ikinalukungkot ko ang pagkawala ng isa sa mga pinakamaimpluwensya at iginagalang na lider sa buong mundo na si dating PM Abe. Alam kong kasama ko sa pagdadalamhati ang mga Pilipino na nakakakilala kay PM Abe, at ang mga lider ng ibang bansa na nakadaupang palad niya rin noong siya ay nabubuhay pa,” pahayag pa ni Lapid.
Sa nasabing resolusyon, binanggit ni Lapid na sa panahon ng panunungkulan ni Abe ay naging pangalawang trading partner ng Pilipinas ang Japan, na may humigit-kumulang sa $7.3 bilyon imports noong 2006.
Kasabay nito, nagsimula na rin ang Pilipinas na mag-export ng mga produkto sa Japan partikular ang woodcraft furniture, electronic products, ignition wiring sets, fresh bananas, at iron ores.
Noong 2020, sa ikalawang termino umano ni Abe, ang Japan ang kauna-unahang donor-country na nag-alok na pautang sa Pilipinas para tugunan ang COVID-19 pandemic na aabot sa P23.5 bilyon.
“Umaasa ako na bagama’t wala na si dating PM Shinzo Abe ay mananatili ang mayabong na ugnayan ng Pilipinas at ng Japan sa mga usaping ekonomiya at pangkapayapaan. Kaya marapat lang na tayo sa Senado ay magpaabot ng ating pormal na pakikiramay sa pamilya ni PM Abe at sa lahat ng mamamayan ng Japan na nagdadalamhati rin ngayon,” paliwanag pa ni Lapid.
