
NI NOEL ABUEL
Sasaklolohan ni Senador Ramon Bong Revilla Jr. ang movie industry para matulungang makabangon ang industriya ng pelikula sa Pilipinas na nalugmok dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa pamamagitan ng inihaing Senate Bill No. 28 ni Revilla layon nitong bigyan ng fiscal incentives sa proprietors, lessees, at operators ang mga sinehan.
Nakapaloob sa naturang panukala na alisin ang iba’t ibang klase ng national at local taxes na ipinapataw sa nabanggit na industriya tulad ng income tax, excise tax, value-added tax, at amusement tax.
Kapalit ng insentibo, 5% ng gross income na kinita ay babayaran sa gobyerno kung saan 3% ay kailangang ipadala sa National Government at 2% naman ay dapat ipadala sa Treasurer’s Office ng siyudad o munisipalidad kung saan naroon ang negosyo o kalakalan.
“Bilang isa sa labis na naapektuhan ng COVID-19 pandemic, ang Philippine movie industry ay labis ding naapektuhan at napakarami ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa hirap mag-produce ng pelikula at nagsara ang mga sinehan na grabeng nagpalugmok sa sitwasyon ng mga film producers, movie theater operators at mga manggagawa sa likod ng camera” paliwanag ni Revilla.
Idinagdag pa ni Revilla na sa kabila ng maraming sinehan na ang nagbukas sa buong bansa ay marami pa rin ang alumpihit na manood ng pelikula dahil sa mga patuloy na ipinapataw na mga restriksyon maliban pa sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Ayon sa senador, kapansin-pansin na marami sa mga Pilipino ang mas pinipipili ang makabagong teknolohiya na sa isang pindot lang ay may mga bagong pelikula na mapapanood, kumpara sa mga sinehan na hindi rin mapigilan ang pagtaas ng singil sa panonood.
“Marami na tayong natulungang mga negosyo at establisyimentong makabalik sa kanilang paa matapos hagupitin ng pandemya. At hindi dapat natin kalimutan na ang industriya ng sining at paglikha, ay kasama sa mga itinuturing nating frontliners dahil sa gitna ng delubyo, sila ang pinaghugutan ng libangan at kasiyahan ng mga Pilipino,” sabi nito.
“Kaya nga kasama sa top 10 priority bill na sinumite ko sa Senado ang matulungang makaahon ang movie industry. Personal sa akin ang labang ito at hinding-hindi ko pababayaan ang industriya na pinagmulan pa ng aking mga magulang. Alam ko ang hirap na dinanas at patuloy na binubuno nila habang sinusubukang bumangon. Ito ang panahon upang maging katuwang nila tayo tungo sa panibagong bukas,” dagdag pa ni Revilla.
