Pagbili at pagbebenta ng alak sa kabataan at persons with mental condition ipagbabawal

Rep. Paolo Duterte

NI NOEL ABUEL

Dahil sa pagdami ng bilang ng mga kabataang nasasangkot sa gulo dahil sa pagkalango sa nakalalasing na inumin ay isinusulong sa Kamara ang mahigpit na regulasyon at parusa sa nagbebenta at hindi kuwalipikadong bumili ng alak.

Sa inihaing House Bill No. 1753, o mas kilalang Anti-Underage Drinking Act na inihain nina  Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte at Benguet Rep. Eric Yap, layon nito na magpataw ng minimum legal drinking age sa bansa at mabigyan na matinding parusa ang sinumang indibiduwal o private entities na mahuhuling lumalabag sa  batas.

Ipinaliwanag ni Duterte na ang paggamit ng alcohol ang ikatlo sa nangungunang dahilan ng mahinang kalusugan sa buong mundo at tinatayang 2.5 milyon ang nasasawi taun-taon kung saan pinakamalaking bilang ay mga kabataan.

Idinagdag pa nito na ang iba’t ibang uri ng problemang nag-uugnay sa alak ay may masamang epekto sa katawan ng tao at kanilang pamilya.

 “The youth has a vital role in nation-building and it’s the duty of the state to promote and protect their physical, moral, spiritual, intellectual, and social well-being. The state shall undertake efforts to eliminate alcohol abuse and reduce underage drinking by prohibiting unqualified individuals’ access to alcohol,” paliwanag ni Duterte.

Sa ilalim ng panukala, ang mga tinutukoy na  “unqualified individuals” ay mga indibiduwal na wala pang 21-taong o 21-taon ngunit hindi pa ganap na mapangalagaan ang sarili o maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pang-aabuso, kapabayaan, pagsasamantala, at diskriminasyon dahil sa pisikal o mental disability o kondisyon.

Ipinagbabawal sa nasabing panukala ang pagbili ng alak o iba pang alcoholic beverages ng mga  unqualified individuals mula sa mga nagbebenta at iba pang pinagmumulan nito  kung saan sinumang lalabag ay mahaharap sa multa at pagkakakulong.

Leave a comment