Pagtatayo ng Super Health Centers iginiit ni Senador Bong Go

NI NOEL ABUEL

Muling nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na magtatag ng Super Health Centers  sa mga pangunahing lugar sa bansa upang maibigay ang maayos na public health services sa publiko.

Sa kanyang video message sa groundbreaking ng dalawang pasilidad sa Libungan at Banisilan, North Cotabato, binanggit ni Go ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas maraming Super Health Centers nationwide.

“Isinulong po natin at ipinaglaban na magkaroon ng Super Health Center dito sa inyo dahil alam ko po kung gaano ninyo kailangan na mapalapit sa inyo ang serbisyong medikal ng gobyerno. Layunin po ng mga centers na ito na mas ilapit pa sa ating mga kababayan ang mga serbisyong medikal ng gobyerno, lalo na sa mga nasa liblib na lugar at mga pinaka nangangailangan ng mga ito,” paliwanag ng senador.

Aniya ang Super Health Center ay mas pinahusay na bersyon ng rural health unit na magbibigay ng health services kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray and ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit.

Habang ang iba pang maaaring gawin ang ay eye, ear, nose and throat (EENT) service; oncology centers; physical therapy and rehabilitation center; at telemedicine, kung saan maaaring gawin ang remote diagnosis and treatment sa mga pasyente.

Ayon sa senador, naglaan ang pamahalaan ng P3.6 bilyon sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagtatayo ng 305 Super Health Centers.

“Sabi ko nga, now is the time to really invest in our healthcare system. Umaasa ako na ito ang huling pandemya sa ating buhay pero ang totoo hindi natin alam kung mayroon pang darating na susunod,” sabi nito.

“Through the establishment of facilities like these, I am confident that we can provide the best services and quality facilities for the benefit of Filipinos,” dagdag pa nito.

Leave a comment