
NI NOEL ABUEL
Nadagdagan pa ang bilang ng mga kongresista na sumanib sa Lakas Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) habang nalalapit ang pagbubukas ng 19th Congress at ang nakatakdang unang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hulyo 25.
Sa kasalukuyan ay nasa 60 ang bilang ng mga miyembro Lakas-CMD na nagpapakitang isa na itong pinakamalaking political groups sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pinakahuling sumanib sa Lakas-CMD sina Albay Rep. Joey Sarte Salceda, Bohol Rep. Maria Vanessa Aumentado, at Isabela Rep. Ian Paul Dy na nanumpa kay Leyte Rep. Martin G. Romualdez, ang pangulo ng nasabing partido.
“We welcome our new members. We are delighted by their decision to join us. We look forward to a productive engagement with them and the rest of our membership,” sabi ni Romualdez na nagsabing magpapalakas sa Kamara na susuporta sa agenda ni Pangulong Marcos.
Sa nasabi ring okasyon, pinangunahan din ni Romualdez ang pagpapanumpa kina Zamboanga Sibugay Rep. Wilter Yap Palma, Bulacan Rep. Ambrosio “Boy” Cruz Jr., Cagayan Rep. Joseph “Jojo” Lara, at Surigao del Norte Rep. Francisco Jose “Bingo” Matugas II, na pawang miyembro rin ng Lakas-CMD.
Samantala, nanumpa rin sa Lakas-CMD sina Biliran Board Member Roselyn Espina-Paras at anak nitong si Jose Antonio E. Paras; Mindanao leaders Atty. Al Hamid P. Diron, Atty. Melanie Mae C. Cabanlas, Maharani P. Abdullah- Pacasum, Hamza L. Dimaporo, Johannah P. Diron-Dimaporo, Shaharaine P. Abdullah, Nabila Pangandaman, at Ahmad Amir A. Balindong.
Nabatid na ang Lakas-CMD ang kinokonsiderang administration party na nanguna sa pagsuporta sa kandidatura nina Marcos at Vice President Sara Duterte.
Noong nakalipas na araw ng Martes, ang regional political party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) ni president at Davao Occidental Rep. Claude Bautista at Pangasinan Rep. Rachel Arenas ay nanumpa rin sa Lakas-CMD para maging miyembro ng partido.
