Dating Surigao del Sur mayor, 3 pa kulong ng 6-taon dahil sa PDAF scam

NI NOEL ABUEL

Hinatulang mabilanggo ng anim hanggang walong taon ang dating alkalde ng Lingig, Surigao del Sur na si Roberto Luna Jr., at dalawang iba pa kaugnay ng kasong katiwalian na may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF).

Sa 98-pahinang desisyon na pinonente ni Sandiganbayan Seventh Division Associate Justice Ma. Theresa Dolores C. Gomez-Estoesta at Associate Justices Zaldy V. Trespeses at Georgina D. Hidalgo, napatunayan na nagkaroon ng kurapsyon sa paggamit ng P18.93 milyon noong taong 2007 sa PDAF ni dating Surigao del Sur Rep. Peter Paul Jed C. Falcon.

Maliban kay Luna, kasama rin sa hinatulang makulong sina Municipal Bids and Awards Committee vice chairman Jethro Lindo, municipal treasurer Ebrencio Indoyon Jr., at ang negosyanteng si Ma. Luzviminda Lopez, pangulo at supplier-contractor ng Philflex Trading and General Merchandise.

Samantala, pinawalang bisa naman ang kaso laban kay Falcon, dahil sa binawian na ito ng buhay noong Nobyembre 2021.

Sa utos ng anti-graft court, hindi na papayagan pang makapaglingkod sa gobyerno sina Luna, Lindo, at Indoyon dahil sa kasong kinaharap ng mga ito.

Pinagbabayad din ang mga akusado ng P18,928,571.43 para sa lokal na pamahalaan ng Lingig, na halaga ng biniling information and communications technology (IT) equipment, kasama ang anim na porsiyentong annual interest hanggang sa kabuuan ng bayaran.

Sinabi ng prosekusyon na ang paggamit ng pondo mula sa PDAF o “pork barrel” na inilaan ni dating Surigao del Sur Rep. Peter Paul Jed C. Falcon, na nasawi noong Nobyembre 12, 2021, ay buwan bago maresolba ang kaso.

Napatunayan ng prosekusyon na nagsabwatan ang mga akusado para sa “ghost delivery” ng 71 handsets ng long range at super long range cordless radio na pinatunayan ng mga kasalukuyang lokal na pamahalaan na nagsabing walang nangyaring delivery.

Ang Acceptance and Inspection Report ay hindi nalagdaan at undated habang ang delivery receipt ay hindi kinilala ng sinumang opisyal ng bayan ng Lingig.

Leave a comment