
NI NERIO AGUAS
Nakumpleto na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagsasaayos ng drainage sa panulukan ng E. Quintos Street sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay DPWH National Capital Region Director Nomer Abel P. Canlas, ang proyekto ay natapos na sumasaklaw sa pagtatayo ng 803 lineal meters ng reinforced concrete box culverts sa iba’t ibang segment sa kahabaan ng E. Quintos Street, na umaabot mula sa S.H. Loyola Street hanggang Gerardo Tuazon Street.
Ang pagsasaayos ng drainage system ay gumamit ng serye ng 2.40 by 1.80 meter ng reinforced concrete box culverts na magpapataas sa kapasidad ng Josefina-Lepanto at Lepanto-Gov. Forbes Drainage Mains upang matiyak ang maayos na pag-agos at daloy ng tubig-baha sakaling bumuhos ang malakas na ulan.
Ang lugar ng Sampaloc ay tahanan ng maraming unibersidad at komersyal na establisyimento.
Ngunit sa kasamaang palad, ang lugar ay kilala rin sa pangmatagalang pagbaha sa panahon ng tag-ulan, na nagdudulot ng matinding trapiko, nagpapahirap sa pag-commute, at nag-iiwan sa mga pasahero, karamihan sa mga estudyante, na na-stranded.
Ang nasabing proyekto ay pinondohan sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA) ng halagang ₱92-milyon na inimplementa ng DPWH North Manila District Engineering Office.
